Isko1

Clothing allowance ng 9K Manila LGU workers matatanggap na

Edd Reyes Feb 23, 2026
124 Views

MATATANGGAP na ang 9,000 kawani ng Manila local government ng clothing allowance matapos iutos ni Mayor Isko Moreno Domagoso ang paglalabas ng P66,821,000 pondo para dito.

Tatanggapin na rin ng mga job orders (JOs) at Contract of Service (COS) sa Manila Health Department at mga ospital na pinatatakbo ng lokal na pamahalan ang nabimbin nilang sahod para sa Enero.

Sinabi ni Mayor Isko Moreno na tatanggap ng P7,000 cash ang may 8,543 regular na kawani para sa 2026 clothing allowance.

“Kung sino ka man,‘yung humigit-kumulang 1,000 mahigit na hindi nakakuha, makukuha mo na ‘yan. Mas pinabuti kong i-cash na lang para may mabubunot kayo ngayong linggong ito,”paliwanag ng alkalde.

Sa naantala namang sahod ng mga JO at COS ng Manila Health Department at ng mga city-run hospital, ipinaliwanag ni Mayor Isko na ito ay dahil inilipat ang kanilang sahod sa Special Health Fund mula sa General Fund.

Ang ginawang pagmamaniobra sa pananalapi mula Enero ay layong matiyak ang katatagan ng sahod ng mga kawani habang pinananatili ang pagtalima sa legal at kinakailangang pagtutuos o accounting

“Hindi po perpekto ang inyong lingkod. Hindi po perpekto ang gobyerno ng Maynila.

Ngunit pipilitin ko laging maging mahinahon, masinop, at episyente na makapaglingkod sa ating kapwa,” pahayag ng alkalde.