QCPD

QCPD walang mahuling sangkot sa flood control controversy

244 Views

SIMULA na ang manhunt ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) laban sa mga taong dapat arestuhin dahil sangkot sa maanomalyang flood control projects sa bansa.

Tugon ng QCPD ang manhunt sa warrant of arrests na ipinalabas ng 5th, 6th at 7th divisions ng Sandiganbayan laban sa mga indibidwal na lumabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices, Malversation of Public Funds through Falsification of Public Documents at iba pa..

Bandang alas-10:12 ng gabi noong Biyernes nagsagawa ang QCPD Warrant Tracker Team ng casing sa isang tirahan sa Rolling Hills, New Manila sa pagtatangkang magsilbi ng warrant laban sa akusadong si alyas Ngo.

Sinabi ng caretaker na hindi na nakatira ang akusado sa address at hindi matukoy ang kanyang kinaroroonan.

Madaling araw ng Nobyembre 22, nagpadala ang QCPD ng mga warrant tracker team mula sa ilang istasyon ng pulisya upang i-verify ang mga nakarehistrong address ng iba pang mga akusado.

Pinuntahan ng Kamuning Police Station 10 Warrant Section ang maraming lokasyon na nauugnay sa alyas Cayco at Sacar.

Sa isang condominium sa South Triangle, ipinaalam ng mga kaanak sa mga operatiba na si alyas Cayco ay naka-leave at wala sa lugar habang si alyas Sacar hindi na mahagilap at inabandona na ang kanyang tirahan sa Pinyahan noong Agosto.

Nagsagawa rin ng casing ang Talipapa Police Station 3 Operatives kasama ang IG RIU-NCR) laban kay alyas Serrano subalit, ayon sa mga residente, huling nakita ang tao dalawang linggo bago ang pagpapalabas ng warrant.