Calendar
BI nasa heightened alert upang matiyak pagpapatupad ng warrant of arrest vs Co, iba pa
INANUNSYO ng Bureau of Immigration (BI) na lahat ng immigration officer na nakatalaga sa mga paliparang pandaigdig at pantalan sa buong bansa ay nasa heightened alert matapos maglabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan laban kay dating Kongresista Elizaldy Co at 15 pang indibidwal noong Nobyembre 21.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, naitala na sa sentralisadong derogatory database ng ahensya ang mga pangalan ng lahat ng sakop ng warrant. Tinitiyak nito na agad na matutukoy, mabeberipika, at makakakilos ang mga frontline officer sakaling tangkaing umalis o pumasok sa Pilipinas ang alinman sa kanila.
“Kapag naharang, mahigpit na inatasan ang ating mga opisyal na agad makipag-ugnayan sa Philippine National Police para sa tamang at legal na pagpapatupad ng mga warrant,” ani Viado.
Binanggit niya na nananatiling mahalaga ang malapit na koordinasyon ng mga ahensya upang matiyak na ang mga may kaso ay hindi makakaiwas sa pananagutan sa pamamagitan ng hindi awtorisadong paglalakbay.
Batay sa travel records ng BI, apat sa 16 na indibidwal sa listahan ay kasalukuyang nasa ibang bansa:
• Umalis si Co patungong Singapore noong Agosto 6.
• Lumipad si Department of Public Works and Highways (DPWH) OIC–Planning and Design Division Chief Montrexis Tamayo patungong Qatar noong Nobyembre 15.
• Nagpunta sa Australia si Sunwest Inc. President at Board Chairman Aderma Angelie Alcazar noong Oktubre 2.
• Umalis patungong United Arab Emirates si Sunwest Inc. Treasurer Cesar Buenaventura sa parehong araw.
Tiniyak ni Viado sa publiko na nananatiling ganap na nakahanay ang BI sa mga ahensyang tagapagpatupad ng batas upang masiguro ang pagpapatupad ng mga warrant sa oras na magpakita ang mga indibidwal na ito sa mga pantalan ng bansa.

