Calendar
Bebot huli tatlong taon matapos akusahan ng kasong pagnanakaw
SINAKOTE ng mga alagad ng batas ang 55-anyos na babaeng nahaharap sa apat na bilang na kasong qualified theft na na-commit mahigit tatlong taon na ang nakararaan nang dumating mula sa China noong Biyernes sa Pasay City.
Hindi na nakapalag ang suspek nang isilbi sa kanya ng mga tauhan ni P/BGen. Dionisio Bartolome, Jr. acting director ng PNP Aviation Security Group (Avsegroup) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang warrant of arrest bago pa makalabas ng NAIA Terminal 1.
Galing sa Pasig City Regional Trial Court (RTC) ang warrant of arrest laban sa ginang para sa apat na bilang na kasong qualified theft through falsification of public documents.
Walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang paglaya ng suspek, ayon sa report.
Nai-turnover na ang suspek sa CIDG-Southern Metro Manila District Field Unit habang hinihintay pa ang utos ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa pangangalaga ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Pasig City Jail.

