Calendar
16-anyos nagbigti para mabuhay uli tulad ng paboritong Anime
SA paniwalang mabubuhay muli taglay ang lakas at kapangyarihan tulad ng sinusubaybayang animated series, nagpatiwakal ang 16-anyos na Grade 11 na binatilyo sa Rodriguez, Rizal.
Biyernes na ng alas-9:30 ng umaga natagpuan ang bangkay ng binatilyo sa Marikina River sa tabi ng Philippine Rock, Barangay San Isidro, Rodriguez, Rizal, matapos maiulat sa pulisya ang pagtalon niya sa ilog Huwebes ng umaga.
Sa ulat ng Rodriguez Municipal Police Station, napagalitan ng kanyang ina ang binatilyo dahil sa pakikipagtalo sa kapatid na babae noong Miyerkules ng gabi, hanggang madiskubre na wala sa higaan ang biktima Huwebes ng alas-2 ng madaling araw at tanging liham ng pamamaalam na lang ang iniwan nito para sa magulang, guro at mga kaklase.
Nakasaad sa suicide note na matagal nang nagbabalak magpatiwakal ang binatilyo sa paniwalang mabubuhay siyang muli sa ibang katauhan na may taglay ng lakas at kapangyarihan, tulad ng pinapanood niyang Japanese animated series.
Kaagad humingi ng tulong sa barangay ang mga magulang ng biktima at sa pagrerebisa sa kuha ng CCTV, nakita nila ang kanilang anak sa Eastwood Bridge kaya’t dito sila nagtanong-tanong, hanggang may nakapagsabi sa kanila na tumalon sa Marikina River ang binatilyo.
Nagsanib puwersa ang barangay at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng bayan ng Rodriguez na dahilan para mahanap ang katawan ng binatilyo na wala ng buhay.

