DHSUD

DHSUD nag-inaugurate ng bagong housing units

Jun I Legaspi Nov 21, 2025
272 Views

PINASINAYAAN ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) noong Biyernes ang dalawang 5-palapag na low-rise buildings (LRBs) para sa mga residente ng Navotas City.

Tinaguriang Navotaas Homes 5 Phase 2 sa Barangay Tanza 1 ang bagong housing project.

Bahagi ito ng flagship program ni Pangulong Marcos Jr. na Expanded Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH), na naglalayong mailipat sa mas ligtas na lugar ang mga pamilyang nakatira sa hazard-prone zones.

“Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos Jr., tuluy-tuloy ang DHSUD at NHA sa pagsusulong ng disente, ligtas at abot-kayang pabahay para sa higit na nangangailangan, para sa mas may dignidad na pamumuhay,” pahayag ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling.

Sa kabuuan, 24 na low-rise buildings na may tinatayang 60 yunit bawat gusali ang nakaplanong maitayo sa lugar na sapat para sa 1,440 informal settler families (ISFs), batay sa Memorandum of Agreement sa pagitan ng NHA at LGU ng Navotas.

Ang Phase 2 ng proyekto ay binubuo ng tatlong gusali na nag-aalok ng 120 kumpletong yunit na may kasamang service areas, kitchen counters, pininturahang interiors, handa nang koneksyon sa tubig at kuryente, at mga safety system gaya ng fire sprinklers at alarms.

Binigyang-diin ni Secretary Aliling ang pangako ng Kagawaran na maghatid ng ligtas at may dignidad na pabahay, alinsunod sa direktiba ng Pangulo na magbigay ng mga komunidad na maayos tirahan at matatag.

“Malinaw ang direktiba ng Pangulo: bawat Pilipino ay nararapat magkaroon ng tahanang nagbibigay ng proteksyon, katatagan, at pag-asa para sa kanilang mga anak.

Ang bawat pamilyang lilipat dito ay hindi lamang makatatanggap ng bahay, kundi isang tahanang nagtitiyak ng marangal at ligtas na pamumuhay,” ani Secretary Aliling.

Dagdag pa niya, ang tagumpay ng Navotaas Homes 5 ay patunay ng epektibong koordinasyon sa pagitan ng pambansang pamahalaan, sa pamamagitan ng NHA, at lokal na pamahalaan.

Kasama sa development ang mahahalagang pasilidad ng komunidad gaya ng kongkretong kalsada, pathways, drainage systems, street lighting, green spaces, at kalapitan sa mga paaralan at pamilihan.

Ang lugar ay flood-free at may perimeter fencing at nakatalagang parking areas.

Muling pinagtibay ni Secretary Aliling ang mas malawak na mandato ng DHSUD sa ilalim ng Expanded 4PH Program, na dapat unahin ang dignidad at pangmatagalang seguridad sa mga proyektong pabahay.

Makikipagtulungan ang DHSUD sa mga katuwang na ahensya upang matapos ang natitirang mga gusali sa Navotaas Homes 5 at pabilisin ang iba pang resettlement at housing projects sa buong bansa, alinsunod sa direktiba ng Pangulo na tugunan ang pangangailangan sa pabahay ng bansa.