Quad

Quad Comm kay Bato: Ipaliwanag allowance ng mga pulis mula kay Bong Go

46 Views

SUPORTADO ng Quad Committee ng Kamara de Representantes ang imbestigasyon ng Senado kaugnay ng war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Kasabay nito ay hinimok ng mga lider ng joint panel si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na linawin ang sinabi nito na binigyan ni dating Special Assistant to the President at ngayon ay Sen. Christopher “Bong” Go ng allowance ang mga pulis noong panahon ng Duterte war on drugs campaign.

Ayon kay Quad Comm lead chair Rep. Robert Ace Barbers ng Surigao del Sur at co-chair Rep. Dan Fernandez ng Sta. Rosa City, dapat ipaliwanag ng senador kung para saan, kanino galing at kung sino ang binigyan ng naturang allowance.

Ayon kay Barbers, mahalaga ang pagsisiyasat ng Senado upang mabunyag ang katotohanan hinggil sa mga operasyon ng drug war ng dating pangulo.

“Suportado namin itong panawagan ni Sen. Hontiveros na ipursige ang Senate Committee of the Whole investigation sa EJKs ng drug war ng nakaraang administrasyon. We are very pleased that both Houses of Congress are of one mind in this,” ayon kay Barbers.

“Kung totoo nga na mayroong ‘allowances’ na binibigay, dapat ipaliwanag ni Sen. Bato kung bakit, kanino ito napunta, at saan ito nanggaling,” dagdag pa nito.

Sinabi ni Barbers ang pagkumpirma ni Dela Rosa sa sinabing pagbibigay ng allowance ay higit na dapat na imbestigahan

Binigyang-diin niya na mahalagang matukoy kung sinunod na ang mga kinakailangang proteksyon sa paggamit ng mga pondo ng bayan.

“Kung allowance man ito, kailangan nating malaman kung ano ang layunin ng pagbibigay nito, at kung nasunod ang mga patakaran para sa tamang paggamit ng pondo ng bayan,” ayon kay Barbers.

Sinegundahan ni Fernandez ang pahayag ni Barbers, lalo’t si De la Rosa, ang sinasabing arkitekto ng pagpapatupad ng drug war, bilang dating hepe ng Philippine national Police, ay dapat maging transparent sa kung paano ginastos ang pondo ng bayan.

Nakikiisa rin ang mga mambabatas sa Kamara sa panawagan ni Sen. Riza Hontiveros, kaugnay sa pagsasagawa inquiry, subalit hindi dapat pamunuan ni De la Rosa dahil sa conflict of interest.

“Sen. Dela Rosa cannot lead this Senate investigation because there is an obvious conflict of interest. Siya mismo ang nagpatupad ng mga utos sa ilalim ng madugong kampanya kontra droga. He was at the helm of this war, so he cannot objectively lead the probe,” ayon kay Fernandez.

Iginiit ni Fernandez ang kahalagahan ng pagbibigay ni Dela Rosa ng kumpletong ulat tungkol sa mga “allowance” na ito sa mga pagdinig ng Quad Committee.

“Sen. Dela Rosa should explain the full details of these allowances: bakit ito ibinibigay, kanino napunta at kung meron bang mga safeguard na nasunod sa pagbibigay nito,” ayon kay Fernandez, kung saan hinimok ang dating PNP chief na linawin ang pinagmulan ng mga pondong ito at kung ito ay nahawakan ng maayos.

Ang Quad Committee ay nagsasagawa ng sarili nitong imbestigasyon hinggil sa war on drugs ni Duterte, na nagbubunyag ng mga bagong impormasyon tungkol sa mga financial incentives na ibinibigay sa mga pulis.

Una ng isiniwalat ni dating PCSO General Manager Royina Garma na mayroong umiiral na organisadong reward system, kung saan malalaking halaga ng pera ang ibinibigqy sa mga opisyal bilang bahagi ng mga operasyon laban sa mga hinihinalang drug suspect

Naniniwala ang komite na ang mga financial transaction ay mahalaga upang maunawaan ang saklaw ng mga pang-aabuso na naganap sa panahon ng giyera kontra droga.

Ayon kay Barbers, ang Senate Committee of the Whole, na pinamumunuan ni Senate President Francis Chiz Escudero, ay may kakayahang magsagawa ng makabuluhan at patas na imbestigasyon sa mga kasangkot sa giyera kontra droga, kahit pa ang mga high-ranking officials.

“We fully support Sen. Hontiveros’ push for the Senate to conduct its own investigation. The House and Senate must work together to uncover the truth and ensure accountability for the thousands of lives lost,” ayon kay Barbers.

Kinuwestyon naman ni Barbers na na pamunuan ni De la Rosa sa pagdinig ng Senado.

“Hindi maaaring si Sen. Bato mismo ang mamuno sa imbestigasyon na ito. May conflict of interest dahil siya mismo ang nasa sentro ng pagpapatupad ng kampanya. Dapat siya ang magbigay ng mga kasagutan, hindi siya ang dapat mag-lead ng investigation,” ayon kay Barbers.

Muli ay hinimok ng mga co-chair ng Quad Committee si Sen. Dela Rosa na humarap sa komite ng Kamara upang ipaliwanag ang mga sinasabing cash payment, ang pinagmulan ng pondo, at kung ito ay dumaan sa tanggapan ng dating Special Assistant to the President, na ngayon ay si Senador Go.

“Dapat linawin ni Sen. Dela Rosa kung saan nanggaling ang allowances na ito at kung sino ang mga nagbigay ng instruction, lalo na kung dumaan ito sa office ni Sen. Bong Go noong siya ang SAP,” ayon kay Fernandez.

Habang ang parehong Kapulungan ng Kongreso ay nakatakdang imbestigahan ang giyera kontra droga ni Duterte, muling pinagtibay ng Quad Committee ang kanilang pangako na panagutin ang sinumang sangkot sa maling paggamit ng pondo ng bayan at mga paglabag sa karapatang pantao na nangyari, ayon pa kay Barbers.

“Ang mahalaga dito ay makuha natin ang buong katotohanan para sa mga biktima at sa ating mga kababayan. Kailangang may managot at masigurado na hindi na ito mangyayari ulit sa ating bansa.”