Quezon Quarry Operators umapelang makapagbukas matapos ang 7 buwan

38 Views

LUCENA CITY–Muling nanawagan ang Quezon Quarry Operators (QQO) sa pamahalaang panlalawigan ng Quezon at pamahalaang bayan ng Sariaya na muli silang pahintulutan na makapag-operate matapos ang pitong buwan na paghinto ng operasyon.

Ang QQP samahan ng mga lehitimong quarry operators sa Sariaya na itinatag noong 1998 na binubuo ng 43 miyembro at pinamumunuan ni Rafael Tantuco ngunit 27 lamang sa mga ito ang may permits to operate.

Huminto ang kanilang operasyon noong April 29 makaraang maglabas ng moratorium sa pamamagitan ng executive order si Gov. Angelina Tan.

Ginawa ng gobernador ang hakbang matapos manawagan si Sariaya Mayor Marcelo Gayeta na ipatigil ang lahat ng quarry operation sa kanyang bayan.

Kaagad namang tumalima sa kautusan ang mga kasapi ng QQP at mabilis na itinigil ang kanilang operasyon.

Kasabay ng kanyang kautusan, hiniling ng gobernador kay Mayor Gayeta na i-review nito ang lahat na business permits sa quarry operation na iniisyu nito upang bigyang daan ang isang komprehensibong pag-aaral at pagbibigay ng proteksiyon sa lahat ng likas-yaman sa Sariaya lalo na sa mga malapit sa protected areas ng Mt. Banahaw.

Sa panig ng mga pinatigil na quarry operators, nanawagan sila kina Gov. Tan at Mayor Gayeta na muli silang payagan na makapag-operate dahil sa mga sumusunod na kadahilanan:

1. Nakakatulong ang kanilang operasyon sa pagsasaayos ng mga daang tubig sa mga kailugan upang maiwasan ang mga pagbaha sa panahon na may bagyo at tag- ulan dahil hindi na gagastos ang gobyerno sa pagsasagawa ng mga flood control projects.

2. Marami ang nawalan ng hanapbuhay mula sa mga quarry operators, equipment operators, drivers, mga nag- iipon ng bato at maging sa mga nagtatrabaho sa crushing plants at construction sites.

Nawalan sila ng pangtustos sa pang araw- araw na pagkain, gamot at mga gastusin kabilang na ang pambaon ng mga anak nilang nag- aaral.

3. Nakapag- aambag ng malaking halaga ng buwis sa pamahalaang pambayan ng Sariaya at pamahalaang panlalawigan ng Quezon ang mga ipinatigil na quarry operators.

4. Ang paghinto ng kanilang operasyon nagdulot ng malaking kakulangan sa supply ng aggregates para sa mga gumagawa ng mga kalsada, gusali at bahay.

5. Ang grupo malaon nang tumalima sa mga kautusan na iniatas ng Provincial Mining Regulatory Board bilang kondisyon upang muli silang makapag- operate.

Umaasa ang samahan na ang kanilang kahilingan mapagbibigyan alang-alang man lang sa sasapit na kapaskuhan at bagon taon. Ni GEMI FORMARAN