Quiboloy

Quiboloy inihalintulad kay Nebuchadnezzar

65 Views

PORMAL NA HUMARAP ang kontrobersiyal na Kingdom of Jesus Christ lider na si Pastor Apollo Quiboloy sa pagpapatuloy ng Senado sa kanilang imbestigasyon sa mga paratang ng human trafficking, sexual exploitation, at pang-aabuso sa loob ng KOJC organization, nitong Miyerkules.

Nagbigay ng testimonya ang mga pangunahing saksi na naglalarawan ng matinding pisikal, sikolohikal, at sekswal na pang-aabuso sa loob ng naturang KOJC organisasyon.

Pormal na humarap bilang mga nag aakusa sina Edward Masayon, Jowar Martinette Olimba (alias Jerome), Teresita Valdehuesa, Yulya Tartova (alias Sofia), kung saan ay nagbahagi sila ng kanilang mga karanasan sa KOJC, na nagsasaad ng isang pattern ng pamimilit, manipulasyon, at maling pamamalakad sa ilalim ng pamumuno ni Quiboloy.

Ang dating miyembro ng KOJC na si Teresita Valdehuesa ay nagbigay ng emosyonal na testimonya, kung saan ikinuwento niya ang kanyang karanasan bilang isang mataas na miyembro ng organisasyon bago siya nagpasiyang umalis.

Inilarawan ni Valdehuesa kung paano pinilit ang mga kabataang babae, kasama na siya, na pumasok sa mga sekswal na relasyon kay Quiboloy, sa ngalan ng relihiyosong tungkulin. Ayon sa kanya, ang mga kababaihang ito ay naniwalang ang kanilang pagsunod ay isang sagradong tungkulin.

Sa isang makapangyarihang sandali, inihambing ni Valdehuesa ang mga kilos ni Quiboloy kay Haring Nebuchadnezzar, isang karakter sa Bibliya na kilala sa kanyang kayabangan at kalaunang pagbagsak.

“He was not the man of God I thought he was. He was an impostor, an oppressor,” sabi ni Valdehuesa, na dinagdagan pa na ginamit ni Quiboloy ang kanyang mga sermon upang sirain ang kanyang reputasyon at ang iba pang mga babaeng nais umalis sa KOJC.

Binalaan ni Valdehuesa si Quiboloy na, matutulad ito kay Haring Nebuchadnezzar, at maaari siyang humarap sa parehong kapalaran.

“Nebuchadnezzar was one of the most powerful rulers in the world, but even his might was nothing before the one true God,” aniya, na tumutukoy sa kuwento sa Bibliya kung saan nawalan ng katinuan si Nebuchadnezzar bilang resulta ng kanyang kayabangan at pang aabuso.

Ibinahagi rin ni Valdehuesa ang matinding panggigipit na kanyang naranasan matapos niyang umalis sa KOJC, kabilang ang mga pagtatangka ng mga bodyguard ni Quiboloy na takutin siya. Inalala niya kung paano siya tinawag ni Quiboloy na “Jezebel,” isang pagsisikap na sirain ang kanyang reputasyon at pigilan ang iba na sumunod sa kanyang yapak.

Si Edward Masayon, dating miyembro ng KOJC, ay nagbigay rin ng kanyang testimonya kung saan inilarawan niya ang pisikal at sikolohikal na pang-aabuso na kanyang naranasan. Ikinuwento niya kung paano sila pinilit na saktan ang sarili bilang parusa tulad ng paghampas ng ulo at kamay sa pader bilang bahagi ng disiplina.

Ipinahayag ni Masayon na ang mga miyembro na nagpapakita ng interes na umalis ay pinagbabantaan ng karahasan.

“Kapag kumalas kami sa KOJC ay posibleng habulin kami ng mga riding in tandem na mga killer at kilalang mga Angel of Death.”ayon kay Masayon, na umamin na takot siya sa mga tagasunod nito na kilala din bilang angel of death.

Si Jowar Martinette Olimba, na kilala rin sa alias na Jerome, ay nagbahagi ng kanyang mga karanasan sa pisikal na pang-aabuso mula sa KOJC. Sinabi niya na ang mga miyembrong sumusuway ay pinaparusahan nang matindi, tulad ng paglalagay ng sili sa kanilang mga mata at katawan at maging sa kanilang mga pribadong parte ng katawan.

“Napakahirap po talaga at napakasakit ngunit para daw ito sa Diyos,”sabi ni Olimba, kung saan ay alay daw ito sa Panginoon at disiplina para sa kanilang ikabubuti.

Ipinaliwanag niya na ang mga parusang ito ay ipinatutupad para sa mga simpleng paglabag tulad ng panonood ng pelikula na itinuturing na labag sa mahigpit na patakaran ng grupo maging panliligaw sa mga babae kahit binata siya.

Ibinahagi ni Yulya Tartova, isang Ukrainian national, ang kanyang karanasang pagsasamantala at manipulasyon sa sikolohiya sa KOJC.

Ayon kay Tartova, siya at iba pang kabataang babae ay pinilit na makipagrelasyon kay Quiboloy sa ilalim ng paniniwalang ito ang tanging paraan upang maglingkod sa Diyos.

“He convinced us that serving him was the only way to salvation,” ayon kay Tartova, na naglalarawan kung paano pinaniwala ang mga miyembro na ang kanilang pagdurusa ay bahagi ng kanilang espirituwal na tungkulin.

Ikinuwento rin ni Tartova ang hirap ng pag-alis sa organisasyon, kung saan ang mga miyembro ay ginagawang takutin na ang buhay sa labas ng KOJC ay magiging mas malala at mahirap at sila ay malulugmok sa problema.

“We were told that leaving the ministry would result in even greater suffering,”paglalahad nito

Ang pagdinig sa Senado na pinangungunahan ni Senador Risa Hontiveros kung saan ay nakatuon sa mga alegasyon ng human trafficking, sexual exploitation, at pang-aabuso sa KOJC. Binigyang-diin ni Hontiveros ang pangangailangan na ilantad ang katotohanan at papanagutin ang mga responsable sa mga naiulat na pang-aabuso.

Kahit pa pinayuhan ng mga kakilala na itigil na ang kaso, sinabi ni Hontiveros na desidido siyang ituloy ang imbestigasyon para sa hustisya at katotohanan.

Sa pagdinig, ipinahayag ni Hontiveros ang kanyang mga alalahanin tungkol sa mga butas sa mga umiiral na batas ng bansa, lalo na sa pagprotekta laban sa pang-aabuso ng mga lider ng relihiyon. Tinanong niya kung sapat ba ang mga kasalukuyang batas upang tugunan ang mga isyu ng pahintulot, ahensya sa sekswalidad, at kalayaan sa relihiyon, lalo na sa mga kasong kinasasangkutan ng mga makapangyarihang tao tulad ni Quiboloy.

“Are our rape laws sufficient to navigate the gray area of consent, sexual agency, and religious freedom?” tanong ni Hontiveros, na binibigyang-diin ang pangangailangan para sa repormang legal. Itinanong din niya kung sapat ba ang mga batas sa paggawa upang maprotektahan ang mga boluntaryong relihiyoso na maaaring pilitin magtrabaho nang walang tamang benepisyo at samantalahin gamit ang relihiyon.

Sumang-ayon si Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III sa mga alalahanin ni Hontiveros, na hinihimok ang mga miyembro ng KOJC na nakaranas ng “dry fasting” o iba pang uri ng parusa na maghain ng mga reklamo. Ibinigay ni Pimentel na ang mga ganitong gawain, kung mapatutunayan, ay maaaring lumabag sa Revised Penal Code.

Hinimok naman ni Majority Leader Francis Tolentino na ipakita ang respeto at konsiderasyon sa lahat ng taong naroroon sa pagdinig, maging sila man ay mga nag-aakusa o inakusahan. Binanggit niya na ang pag-iimbestiga ay isinasagawa upang baguhin ang mga umiiral na batas, tulad ng Anti-Human Trafficking Act, upang mapabuti at mapalakas ang proteksyon sa mga inaabusong
indibidwal.

Mariin naman na itinanggi ni Pastor Apollo Quiboloy ang lahat ng alegasyon ng pang-aabuso at eksploytasyon laban sa kanya at sa kanyang organisasyon. Pinili niyang manahimik sa pagdinig ng Senado at nagsabing ini invoke niyang ang karapatan na manahimik.

Sinabi rin niya na puro kabaliktaran ang ang mga pahayag laban sa kanya ng mga nag aakusa at hinamon niya ang mga ito na dalhin sa tamang korte ang kanilang mga reklamo na handa umano niyang sagutin ng punto per punto.

Nagpahayag din ng parehong katuwiran ang kanyang mga taga sunod na idinawit sa kaso kung saan ay sinabi ng mga ito na sa korte na lamang sila sasagot sa mga akusasyon na inihain na sa kanila bilang mga kasabwat ni Quiboloy sa ibat ibang uri ng kaso.