UST Sumandal ang UST sa matagumpay na kampanya ng men’s beach volleyball team upang makopo ang record 45th general championship sa UAAP Season 84. UAAP photo

Record 45th UAAP championship inuwi ng UST

Theodore Jurado Jun 23, 2022
378 Views

HINDI inalintana ang limitadong sports calendar sa Season 84 upang makopo ng University of Santo Tomas ang record na 45th UAAP general championship.

Pinalawig ng Growling Tigers student-athletes ang dominasyon sa ikalimang season sa pagkulekta ng 84 points sa compact eight-event competition na nagtapos Martes ng gabi.

Dinaig ng UST ang National University, na sa kabila ng matikas na kampanya sa women’s volleyball na siyang nagwakas ng 65-year championship drought ay kinapos upang makakuha lamang ng 81 points.

Namayani ang Tigers sa men’s 3×3 basketball, men’s beach volleyball, poomsae at men’s chess, at pumangalawa sa women’s 3×3 basketball.

Bukod sa gold sa women’s volleyball, nasakmal ng Bulldogs ang titulo sa women’s 3×3 basketball at women’s chess, at nakamit ng runner-up finish sa men’s beach volleyball at poomsae.

Pumangatlo ang season host La Salle na may 78 points, habang ang University of the Philippines, na ang kanilang men’s basketball team ay bumalik sa trono matapos ang 36 years, ay may 71 sa pang-apat.

Kinumpleto ng Ateneo (58), Adamson (42), Far Eastern University (39) at University of the East (3) ang final tally ayon sa pagkakasunod-sunod.