Calendar
Records ng Ombudsman, AMLC suportado reklamo ni Trillanes vs Dutertes
SINABI ni dating Senador Antonio “Sonny” F. Trillanes IV noong Miyerkules sa House Committee on Justice na ang kanyang naunang reklamo hinggil sa yaman ng pamilya Duterte ay kalauna’y sinuportahan ng mga natuklasan ng Office of the Ombudsman at mga rekord ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) noong 2017.
Gayunman, aniya, nahinto ang imbestigasyon matapos masuspinde at tuluyang matanggal sa puwesto ang opisyal ng Ombudsman na humahawak nito.
Sa pagbasa ng kanyang affidavit sa harap ng komite, sinabi ni Trillanes na isa sa mahahalagang pangyayari matapos ang kanyang paghahain noong 2016 ay naganap noong 2017, nang makita ni noo’y Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang na may sapat na batayan upang ipagpatuloy ang imbestigasyon sa mga bank deposit ng pamilya Duterte.
“Noong 2017, sa panahon ng panunungkulan ni Rodrigo Duterte, matapos suriin ang aking reklamo, iniulat ni Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang na may sapat na batayan upang ituloy ang imbestigasyon hinggil sa malalaking bank deposits ni Rodrigo Duterte at ng kanyang mga anak at common-law wife na si Honeylet Avanceña, kabilang na rin si Sara Duterte,” ayon sa pahayag ni Trillanes.
Sinabi niya na kalakip sa kanyang affidavit bilang Annex E ang nakaimprentang kopya ng ulat ng GMA News Online tungkol sa nasabing pangyayari.
Binanggit din ni Trillanes ang hiwalay na pahayag ni Carandang sa publiko na nagsasabing magkatulad ang listahan ng bank transactions na isinama niya sa kanyang reklamo at ang mga rekord na ibinigay ng AMLC.
“Bukod pa rito, sa isang public statement sa media, kinumpirma ni Overall Deputy Ombudsman Carandang na magkapareho o ‘similar’ ang nilalaman ng mga listahan ng bank transactions ng pamilya ni Rodrigo Duterte na isinama ko sa aking Complaint at ng mga rekord ng bank accounts ng pamilya Duterte na ibinigay sa kanya ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa kanyang pag-iimbestiga,” aniya.
Dagdag niya, suportado rin ito ng nakaimprentang kopya ng artikulo ng GMA News Online na kanyang isinama bilang Annex F.
“Ito ay iniulat ng GMA News Online sa isang artikulo noong Setyembre 28, 2017 na may pamagat na ‘Duterte wealth documents from AMLC similar to what Trillanes has – Ombudsman’,” ani Trillanes.
Pagkatapos nito, tinalakay sa affidavit ang biglaang pagtigil ng imbestigasyon ni Carandang matapos itong masuspinde at kalauna’y matanggal sa tungkulin.
“Dahil dito, si Overall Deputy Ombudsman Carandang ay agad na nasuspinde at kalaunan ay pinatanggal sa tungkulin sa utos ni Rodrigo Duterte, kaya natigil ang kanyang pag-iimbestiga sa mga bank accounts at tagong yaman ng pamilyang Duterte,” aniya.
Sinabi ni Trillanes na kalakip bilang Annex G ang nakaimprentang kopya ng ulat ng Philippine Daily Inquirer tungkol sa pagkakatanggal ni Carandang.
Ipinaalam niya sa komite na ang mga dokumento at opisyal na pahayag mula 2016 pataas ay naging bahagi ng batayan ng kanyang inihain na verified complaint ngayong taon laban kay Sara Duterte sa Office of the Ombudsman.
“Alinsunod sa mga nabanggit na mahahalagang impormasyon, isa ako sa mga nagreklamo at nagsampa ng Verified Complaint laban kay Sara Duterte sa Office of the Ombudsman noong Enero 21, 2026, dahil sa kanyang malinaw na pagkakasangkot sa money laundering at pagkakaroon ng ill-gotten, hindi maipaliwanag, at nakatagong yaman, at/o suhol na nagkakahalaga ng daan-daang milyong piso,” pahayag ni Trillanes.
Aniya, ang kopya ng nasabing verified complaint-affidavit na may petsang Enero 21, 2026 ay kalakip bilang Annex Q sa affidavit na kanyang binasa sa harap ng komite.
“Ang kopya ng Verified Complaint-Affidavit na may petsang Enero 21, 2026 ay kalakip dito at ginawang bahagi ng Salaysay na ito bilang ANNEX ‘Q’,” ani Trillanes.

