Trillanes1 Humarap si dating senador Antonio ‘Sonny’ Trillanes III sa pagdinig ng Committee on Justice sa reklamong impeachment laban kay sa Vice President Sara Z. Duterte sa House of Representatives Miyerkules ng hapon. Kuha ni VER NOVENO

Sinabi ni Trillanes na inamin umano ni dating PRRD ang hindi idineklarang BPI account noong 2016

28 Views

SINABI ni dating Senador Antonio “Sonny” F. Trillanes IV noong Miyerkules sa House Committee on Justice na inamin umano ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong 2016 na mayroon siyang BPI account sa Pasig at hindi niya idineklara ang laman nito sa kanyang SALN.

Ito ay kanyang binasa at isinumite sa pamamagitan ng isang affidavit sa pagdinig kaugnay ng sinasabing hindi maipaliwanag na yaman ni Vice President Sara Duterte.

Ang puntong ito ay kabilang sa mga inilatag ni Trillanes bilang background habang sinusuri ng komite kung may probable cause upang ituloy ang usapin ng impeachment kaugnay ng yaman at hindi pagdedeklara.

Sa kanyang affidavit, sinabi ni Trillanes na kinilala ni Rodrigo Duterte ang pagkakaroon ng nasabing account at ang hindi pagdedeklara nito matapos siyang hamunin na lumagda sa waiver of secrecy of bank deposits.

“Noong 2016, inamin mismo ni Rodrigo Duterte na una, totoo na mayroon siyang bank accounts sa BPI – Julia Vargas Avenue Branch sa Pasig, at pangalawa, nabigo siyang ideklara ang nilalaman ng nasabing bank accounts sa kanyang SALN,” ayon sa pahayag ni Trillanes.

Dagdag niya, ang pag-amin ay naganap matapos niya itong direktang hamunin na payagan ang pagsisiyasat sa account.

“Ang pag-aming ito ni Rodrigo Duterte ay naganap matapos ko siyang hamunin na lumagda sa waiver of secrecy of bank deposits,” aniya.

Inilahad din ni Trillanes sa kanyang affidavit ang bahagi ng pahayag ni Rodrigo Duterte sa media kung saan binanggit umano nito ang deposito na halos umabot sa ₱200 milyon.

“Sa panayam ni Rodrigo Duterte sa media, ipinagtapat niyang may humigit-kumulang ₱200 milyon na deposito sa nasabing bangko na hindi niya idineklara sa kanyang SALN,” ani Trillanes.

“A little less than P200 million, hindi naman ganoon kalaki. Kasi walang account na P200 million, a little less than P200 million… Wala na, ginastos ko na, nag-happy-happy ako — a little less than a million,” umano’y sinabi ni Duterte ayon sa affidavit ni Trillanes.

Sinabi rin niya na ang kopya ng video ng panayam ay kanyang na-download mula sa opisyal na YouTube account ng Rappler at isinama bilang ebidensya.

“Ang kopya ng video ng naturang panayam ni Rodrigo Duterte sa media, na inilathala ng Rappler sa kanilang official YouTube account noong Abril 29, 2016, ay na-download ko at isinama bilang ANNEX ‘C’ ng Salaysay na ito,” aniya.

Ipinaalala rin ni Trillanes sa komite na kumilos na siya sa usaping ito noong 2016 sa pamamagitan ng paghahain ng complaint-affidavit sa Office of the Ombudsman.

“Noong Mayo 5, 2016, nagsampa ako ng Complaint-Affidavit laban kay Rodrigo Duterte sa Office of the Ombudsman batay sa mga nabanggit na mahahalagang ebidensya,” ani Trillanes.

Aniya, ang naturang complaint-affidavit noong 2016 ay kalakip din sa kasalukuyang affidavit bilang annex, na nagpapakita ng ugnayan ng kasalukuyang pagdinig sa kanyang naunang hakbang.

“Ang kopya ng Complaint-Affidavit na may petsang Mayo 5, 2016 ay kalakip dito at ginawang bahagi ng Salaysay na ito bilang ANNEX ‘D’,” ani Trillanes.