Recruitment agency dapat sumagot sa quarantine protocol expenses ng OFW

236 Views

ANG mga recruitment agency umano ang dapat na sumagot sa quarantine protocol expenses ng mga manggagawa na kanilang ipadadala sa ibang bansa.

Ito ang sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III matapos na ianunsyo ng Taiwanese government ang muling pagpayag nito na makapasok sa kanilang bansa ang mga migrant worker.

Ayon kay Bello maglalabas ng guidelines ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) kaugnay ng muling pagpapadala ng OFW sa Taiwan simula Pebrero 15.

“Dapat ‘yung agency kasi kumikita naman sila. Sagutin nila RT-PCR at quarantine ng mga worker,” sabi ni Bello.

Ayon sa Taiwanese government ang mga migrant workers ay dapat mag-quarantine ng 14 na araw, at magpa-RT-PCR test.

Dapat din ay fully vaccinated laban sa COVID-19 ang mga migrant workers bago dumating sa Taiwan.

Mahigit 35,000 OFW umano ang naghihintay sa muling pagbubukas ng Taiwan. Nasa 160,000 Pilipino ang naroon sa kasalukuyan.