Cami

Reenactment ng Freedom March, isinagawa sa Bataan

139 Views

NAGTAPOS na nitong weekend ang idinaos na re-enactment ng Freedom March o Death March sa Bataan, sa pamamagitan ng isang kultural na pagtatanghal na naglalarawan sa mga sundalong Pilipino at Amerikano na dinadala sa internment camp ng mga Hapon na bumihag sa kanila.

Ito ang inihayag ni Mike Villa-Real, vice president for marketing and communications ng Philippine Veterans Bank (PVB), nang dumalo sa forum ng Capampangan in Media Inc. (CAMI) na isinagawa sa kanilang tanggapan sa “Bale Balita” sa Clark Freeport.

Tulad ng mga nakaraang taon, ang PVB, na karamihan ay binubuo ng mga beterano o mga inapo ng mga beterano ng World War II, ang naging pangunahing isponsor ng aktibidad.

Nabatid na halos 300 reservist ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang nanguna sa dalawang araw na commemoration march, kasama ang mga history buffs, adventurist, marathon runners, at mga miyembro ng iba’t ibang walking club na bumubuo sa iba.

Tinunton nila ang 160-kilometrong trail na dinaanan ng mga maysakit at nagugutom na mga sundalo noong Abril 4 hanggang 17, 1942.

Nabatid na ang naturang re-enactment ay ginawa nang mas maaga kaysa sa aktwal na mga petsa ng mga kaganapan at sa mas kaunting oras.

Ayon kay Villa-Real, ang mga kalahok ay inalok naman ng mga pagkain at inumin ng mga residente sa lugar.

“That was what people did when the prisoners of war passed by more than eight decades ago, on the sly, of course, lest the Japanese guards suspect them of being members of the resistance movement and kill them,” ani Villa-Real, na apo ng isa sa mga survivors ng Death March.

Ipinunto niya na nasakop ng Japanese Imperial Army ang French Indochina, Malaya, at Singapore sa loob ng isang araw o dalawa, ngunit inabot sila ng isang taon upang masakop ang Pilipinas dahil sa mahigpit na pagtutol dito ng mga sundalong Pilipino at mga gerilya.

“I wish Filipinos take as much pride, as the Americans do, in remembering events that demonstrate their heroism and fortitude in the face of overwhelming odds,” ani Villa-Real.

Sinabi pa ni Villa-Real na inimbitahan siya, may 20 taon na ang nakalilipas, na sumali sa isang re-enactment ng Bataan Death March sa New Mexico sa US.

“It still gave me goose bumps to see the few American survivors of the infamous death march, who came from all over the United States, being welcomed enthusiastically to the event by tens of thousands of people of all ages,” aniya pa.

Ang New Mexico din ang lugar ng unang matagumpay na atomic bomb test. (CAMI).