Edillon1

Rehabilitasyon ng pinagminahang lugar prayoridad ng Marcos admin

169 Views

PRAYORIDAD ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang rehabilitasyon ng mga lugar na pinagminahan kasabay ng pagbuhay sa mining industry.

Ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Undersecretary Rosemarie Edillon inilungsad kamakailan ang Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028 at bahagi nito ang pagpapalakas ng mining sector.

Kaakibat umano ng pagbuhay ng mining industry ang pagpapalakas ng renewable energy.

“Yung mga electric vehicles natin na gusto nating magkaroon ng battery energy storage system na ang malaki pa ang component at nickel, eh marami tayong nickel. So ito iyong nakalagay po ito sa PDP,” paliwanag ni Edillon.

Pinag-aaralan umano ng NEDA ang panukala upang mas pakinabangan ng bansa ang mga mineral ore sa halip na hayaang ilabas ang mga ito sa bansa. Sa ganitong paraan ay mas tataas umano ang nakokolektang buwis dito.

Nais din umano ng administrasyon na itama ang nakagawian na basta na lamang iniiwan ng mga mining company ang kanilang lugar na pinagminahan.

“Gusto natin magset-aside ng pondo para sa pag-rehabilitate naman, kapag halimbawa mined-out na iyong area. So there has to be those provisions. So, like I said, nasa PDP po ‘yun,” dagdag pa ng opisyal ng NEDA.

“Mayroon na rin po naman tayong mga mining firms na responsible mining naman iyong mga practices, so okay din po iyon. Pero ang gusto natin is, you know sa pangkalahatan ayusin natin iyong fiscal regime ” sabi pa nito.