Magsino

Reklamo mula OFWs dahil sa glitch dumagsa

Mar Rodriguez Jan 4, 2023
354 Views

DINAGSA ng sangkaktutak na sumbong at reklamo ang Overseas Filipino Workers (OFW) Party List sa Kongreso mula sa mga OFWs bunsod ng malaking abala at perwisyong nilikha ng kontroberisiyal na “air traffic system glitch” sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sinabi ni OFW Party List Cong. Marissa “Del Mar” P. Magsino na kabi-kabilang sumbong at reklamo ang nakarating sa kaniyang tanggapan mula sa napakaraming OFWs na lubhang naabala at naperwisyo bunsod ng aberyang nilikha ng air traffic sa NAIA.

Gayunman, ipinaliwanag ni Magsino na nakabantay parin siya sa mga magiging kaganapan at sitwasyon habang kasalukuyang gumagawa ng paraan ang Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para maibsan ang problema.

Ayon kay Magsino, kabilang sa mga paraan na kasalukuyang ginagawa at tina-trabaho ng DMW at OWWA ay ang pagtatalaga ng mga hotline numbers na maaaring matawagan ng mga apektadong OFWs.

Bukod dito, ipinahayag din ng OFW Lady solon na sinusuportahan niya ang panukalang pagsasagawa ng isang imbestigasyon upang himay-himayin at masuring mabuti ang mga naging ugat para magkaroon ng “flight disruption” o puno’t-dulo ng problema sa NAIA.

Sinabi naman ni Romblon Lone Dist. Cong. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona, Chairman ng House Committee on Tourism, na kailangang gumawa na ng agarang solusyon ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) upang hindi na maulit ang nangyaring air traffic system glitch.

Binigyang diin ni Madrona na isang napakalaking perwisyo ang idinulot umano ng nasabing problema sapagkat maraming OFWs ang naatraso sa pabalikm sa kanilang pinagta-trabahuang bansa matapos ang pagdiriwang ng holiday season sa Pilipinas.

Iminungkahi din ni Madrona na kailangang magsagawa ng imbestigasyon ang Kamara de Representantes upang malaman kung ano-ano ang mga naging dahilan ng nasabing problema at upang maiwasan na ang ganitong pangyayari sa darating na hinaharap.

“Ang isa sa mga talagang naapektuhan dito ay ang ating mga OFWs. Kaya dapat lang na maimbestigahan ito kung ano ba talaga ang naging problema. Kasi hindi naman pupuwedeng pabayaan na lamang natin ito ng hindi man lamang tayo gagawa ng solusyon para hindi na maulit ang ganitong problema in the near future,” ayon kay Madrona.