Valeriano

Rep. CRV Valeriano: Ex-Pres Duterte immunity paso na; VP Sara nagpapatawa

Mar Rodriguez Oct 22, 2024
78 Views

BINIGYANG-diin ni Manila 2nd Dist. Rep. Rolando “CRV” Valeriano na paso na ang presidential immunity ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at natatawa siya sa pagkasangkapan ni Vice President Inday Sara Duterte ng Constitutional crisis na maaaring maganap sa pag-ungkat sa mga isyu na kinasangkutan ng mga Duterte.

Ayon kay Valeriano, Chairman ng House Committee on Metro Manila Development, napapanahon ang kanyang pahayag sapagkat unti-unti nang nakakalkal ang samu’t-saring eskandalo at kontrobersiyang kinasangkutan ng administrasyong Duterte kabilang ang brutal na war on drugs na pumatay ng libu-libong biktima.

Idiniin ni Valeriano na hindi na maaaring igiit pa ni Duterte ang kaniyang Presidential immunity sapagkat binibigay lang ang pribilehiyong ito para sa nakaupong Pangulo.

Napaso na ang immunity ni Duterte kasabay ng kanyang pagbaba sa pwesto noong June 30, 2022.

“This issue is relevant now because of the investigations into graft and corruption during the administration of former President Rodrigo Duterte,” wika ni Valeriano.

“Here in the Philippines, Presidential immunity is effective only while the president is in office.

When a new president comes, the immunity privilege passes forward to the new president. The former president no longer has presidential immunity,” sabi pa ni Duterte.

Kasabay nito, natatawa si Valeriano sa pagkasangkapan ni Vice President Sara Duterte ng “Constitutional crisis” na ayon sa kongresista “gasgas na” para lamang takasan ang mga eskandalong kinasasangkutan ng Pangalawang Pangulo.

“Anong Constitutional crisis ang gusto niyang palabasin? Nagpapatawa yata si Vice-President Sara Duterte.

Gasgas na gasgas na iyang Constitutional crisis kuno. Ilang dekada na nating naririnig iyan pero hindi naman nangyayari,” dagdag pa ni Valeriano.