Calendar
Rep. Frasco lumagda sa MOA para sa pagpapatayo ng CNU Campus sa Catmon, Cebu
LUMAGDA si House Deputy Speaker at Cebu 5th Dist. Cong. Vincent Franco “Duke” D. Frasco sa Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Municipality ng Catmon at Cebu Normal University (CNU) para sa pagpapatayo ng CNU campus sa Barangay Panalipan sa Catmon, Cebu.
Sinabi ni Frasco na ang pagpapatayo ng CNU campus sa Catmon, Cebu ay malinaw at matibay na testamento ng kaniyang marubdob na commitment para sa pagsusulong ng de-kalidad na edukasyon para sa mga college students sa kaniyang Distrito at kalapit na bayan sa Cebu.
Nainiwala si Frasco na sa pamamagitan ng CNU, maraming mag-aaral sa kanilang lalawigan ang mabibigyan ng pagkakataon na makapagtapos ng kanilang pag-aaral sa kabila ng krisis na pinagdadaanan ng kani-kanilang mga magulang dulot ng krisis sa pananalapi.
Binigyang diin ng House Deputy Speaker na buong-buo ang kaniyang suporta para sa pagpapatayo ng CNU campus. Aniya, noon pa man ay priority na nito ang pagsusulong ng edukasyon sa kaniyang lalawigan bilang nangungunang commitment nito.
“The Municipality of Catmon will soon have its very own Cebu Normal University. This significant development in the 5th District arose as I signed a Memorandum of Agreement with the Municipality of Catmon and CNU for the establishment of a campus in Barangay Panalipan, Catmon, Cebu,” wika ni Frasco.
Ang mga isinusulong na proyekto ni Frasco na tulad nito ay maituturing na matibay na palatandaan upang maging karapat-dapat ang kongresista sa nakamit nitong parangal matapos itong manguna sa “top performance rating” na isinagwa ng RP-Mission and Development (RPMD) Foundation para sa “job performance assessment” para sa mga miyembro ng Kamara de Representantes.
Sa isinagawang “Boses ng Bayan” job performance assessment ng RP-MD Foundation para sa mga kongresista, ibinatay nito ang kanilang survey alinsunod sa district representation ng mga mambabatas, legislative achievements, constituent services partikular na sa Central Visayas.
Sinabi ng RP-MD na matapos ang ginawa nilang survey at assessment, inilabas nila ang kanilang resulta o survey result para kauna-unang “Boses ng Bayan” quarterly survey para sa taong 2024 na naglalayong suriin o i-asses ang performance at effectiveness ng mga miyembro ng Kamara sa Central Visayas.
Alinsunod sa nasabing survey result, nangunguna at namamayagpag si Frasco bilang “top performing” congressman sa Central Visayas o kinatawan ng Cebu matapos siyang makakuha ng 90% rating batay sa kaniyang mahusay na paglilingkod o pagbibigay serbisyo sa kaniyang mga kababayan.
Dahil dito, labis nagpapasalamat ang House Deputy Speaker sapagkat unti-unti na aniyang nagbubunga ang mga pagsisikap nitong makapagbigay ng de-kalidad na serbisyo para sa kaniyang mga constituents sa pamamagitan ng mga scholarship grants, pabahay at iba pang makabuluhang proyekto.