Duke

Rep. Frasco: Presyo sa pagbenta ng kabaong dapat i-regulate

Mar Rodriguez May 19, 2023
144 Views

ISINUSULONG ng isang Visayas congressman ang isang panukalang batas naglalayong “i-regulate” ang presyo sa pagbebenta ng kabaong o ataol sa iba’t-ibang punerarya na abot kaya sa bulsa ng isang ordinaryong mamamayan partikular na para sa mga mahihirap na pamilyang Pilipino.

Sinabi ni House Deputy Speaker at Cebu City 5th Dist. Congressman Vincent Franco “Duke” D. Frasco na ang kaniyang House Bill No. 102 ay kahalintulad ng House Bill No. 7846 na inihain noong October 15, 2020 sa ilalim ng 18th Congress at na-transmit naman sa House Committee on Trade and Industry.

Subalit nabatid kay Frasco na mula noong 18th Congress ay hindi na aniya umusad ang nasabing panukalang batas. Kung kaya’t muli niya itong isinusulong sa ilalim ng House Bill No. 102 o ang “An Act regulating the sale of caskets by funeral establishments to ensure availability of affordable caskets”.

Ipinaliwanag ni Frasco na ang pagkamatay ng isang mahal sa buhay ang pinaka-mahirap at pinaka-magastos aniya dito sa Pilipinas partikular na para sa isang pamilya na nasa nakalulunos na kalagayan o isang mahirap na pamilya sapagkat pino-problema nila kung saa sila kukuha ng panggastos.

Binigyang diin ni Frasco na ang isang sa mga pangunahing problema na kinakaharap ng isang mahirap na pamilya ay ang malaking gastusin at napaka-mahal na “funeral service” para sa kanilang yumaong mahal sa buhay kabilang na dito ang mataas na presyo ng kabaong at pagpapalibing.

Ayon sa kongresista, ang isang kabaong ay nagkakahalaga ng P5,000 hanggang P110,000 depende sa mateyales na ginamit para dito. Kung saan, ang pinakamurang ataol na walang disenyo o napaka-payak (simple) ay kadalasang nabibili sa mga “low-end” o hindi kilalang punerarya.

Gayunman, iginiit ni Frasco na kadalasan ay walang available na kabaong na abot kaya ang presyo o ang tinatawag na “affordable” para sa isang mahirap na pamilya. Kaya napililitan na lamang umano sila na bumili ng available subalit napaka-mahal na ataol kahit ito’y napaka-bigat para sa kanila.

Dahil dito, sinabi pa ni Frasco na layunin ng kaniyang panukalang batas na i-regulate ang presyo ng kabaong sa mga puneraryo para maging abot-kaya sa bulsa ng isang ordinaryo at mahirap na pamilya.

“This Bill aims to regulate the sale of caskets by funeral establishment to ensure availability of affordable caskets will definitely relieve grief-stricken families of added financial burden,” paliwanag ni Frasco.