Ridon

Rep. Ridon: VP Sara kung walang itinatago, ilabas n’yo tax, bank, AMLC records

Mar Rodriguez Jul 19, 2026
111 Views

KUNG wala kayong itinatago, ilabas n’yo ang inyong tax, bank at Anti-Money Laundering Council (AMLC) records.”

Ito ang hamon ni House prosecutor at Bicol Saro Party List Rep. Terry Ridon kina Vice President Sara Duterte at asawa niyang si Atty. Manases “Mans” Carpio.

Ayon sa prosekusyon, ang pagbubukas ng mga rekord ay maaari ring magsilbing pagkakataon upang mapawalang-sala si Vice President Duterte, kung mapatutunayang walang batayan ang mga alegasyon laban sa kanya.

“Kasi nga, kung wala naman ho talaga tayong itinatago sa tax documents, AMLC documents, bank accounts, tingin ko iyong mas magandang course of action ay ibuyangyang na lang po natin itong mga dokumentong ito,” ayon kay Ridon.

Kasama sa mga nakabinbing kahilingan ng prosekusyon ang pagkuha ng mga rekord ng mga bank account na may nakasaad ng account numbers, sangay at bangko, mga sertipikadong dokumento mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at mga ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) hinggil sa mga transaksyong may kaugnayan kina Duterte at Carpio.

“Para mapahiya iyong posisyon kung wala naman ho talagang laman at wala po talagang sustansya iyong pagsilip at pagbubukas nitong mga dokumentong ito,” dagdag ni Ridon.

Ayon sa mga rekord, may mahigit P6.7 bilyon umanong halaga ng mga covered at suspicious transactions na may kaugnayan sa mag-asawa.

Nakasaad din sa Articles of Impeachment na malaki umano ang itinaas ng idineklarang yaman ni Duterte sa kabila ng mas mababang lehitimong kita.

Hinikayat ni Ridon ang Senado na huwag lamang tumuon sa mga teknikal na usapin, kundi suriin ang aktuwal na nilalaman ng mga dokumento bago gumawa ng anumang konklusyon tungkol sa umano’y mga hindi pagkakatugma sa kanilang pananalapi.

“Very important ho talagang pag-usapan dito hindi iyong teknikalidad, lalo sa isang impeachment proceeding na hindi lang naman po ito legal na proseso kundi pampolitika at pang-konstitusyonal po na proseso,” paliwanag ng kongresista.

Binigyang-diin din ni Ridon na malinaw na pinahihintulutan ng Bank Secrecy Law ang pagsisiyasat sa mga bank deposit sa mga kasong impeachment, bagama’t may hiwalay pang mga usapin hinggil sa paglalabas ng mga rekord mula sa AMLC at BIR.

Ayon sa House prosecution panel, nasa kanila na ang mga detalye ng mga bank account, kabilang ang account numbers, mga sangay at pangalan ng mga bangko.

Gayunman, kailangan pa rin nila ng subpoena mula sa Senado upang obligahin ang mga bangko at kanilang mga opisyal na magsumite ng mga sertipikadong rekord at tumestigo sa impeachment court.