Calendar
Sariling lupa nakuha ng 684 na pamilya
NASA 684 na pamilya ang nagkaroon ng sariling lupa nang buhayin ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang pamamahagi ng lupa sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa pamumuno ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling, ipinatupad ang pamamahagi ng Certificates of Lot Award (CELA) at Certificates of Entitlement (COE) para sa mga lupang tirahan na sakop ng presidential proclamations.
Ang mga benepisyaryo umabot sa 218 pamilya sa Los Baños, Laguna, 195 pamilya sa Lucena, 58 pamilya sa Narra, Palawan at 213 pamilya sa Jaro, Iloilo.
“Sa ilalim ng Expanded 4PH, hindi lamang tayo nagtatayo ng mga bagong pabahay.
Binibigyan din natin ng katiyakan ang mga pamilyang matagal nang naghihintay na maging ganap na may-ari ng lupang kanilang tinitirhan,” ani Secretary Aliling.
Mula 2019 hanggang 2022, 24 lamang ang nakatanggap ng CELAs o COEs dahil sa pandemya ngunit sa ilalim ng Expanded 4PH, 684 pamilya ang nakatanggap ng kanilang sertipiko sa loob ng isang taon.
Mas marami pang Presidential Proclamations ang kasalukuyang isinasailalim sa Expanded 4PH at inaasahan ang karagdagang awarding activities sa mga susunod na buwan.

