Calendar
Speaker Dy: Walang lalawigang dapat maiwan habang Kamara pinalalakas edukasyon, nutrisyon, kaunlaran
BINIGYANG-DIIN ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na walang lalawigang dapat maiwan habang pinalalakas ng Kamara ang edukasyon, nutrisyon at kaunlaran sa kanayunan.
Iginiit ni Speaker Dy ang pangako ng Kamara de Representantes na tiyaking makikinabang ang bawat lalawigan sa pambansang kaunlaran dahil patuloy na isusulong ng Kamara ang mga panukalang magpapalawak ng oportunidad para sa mga pamilyang Pilipino, magpapalakas sa mga lokal na komunidad at magpapabilis ng inklusibong pag-unlad sa buong bansa.
Ang pag-unlad na natamo ng South Cotabato sa nakalipas na anim na dekada, ayon kay Speaker Dy, ay patunay ng maaaring makamit kapag nagtutulungan ang pamahalaan at mamamayan.
“Every great community is woven together by people who choose unity over division; who choose service over self-interest; and who believe that our diversity is our greatest strength,” sabi ni Dy.
Hinango ni Dy ang inspirasyon sa “T’nalak Festival,” kung saan inihalintulad niya ang makulay na hinabing tela ng lalawigan sa sama-samang pagsisikap na kailangan upang makabuo ng mas matatag na komunidad sa kabila ng pagkakaiba-iba ng kultura at tradisyon.
Ipinaliwanag pa ng House Speaker ang ilang mahahalagang panukalang naaprubahan ng Kamara bago magsara ang unang regular na sesyon ng Ika-20 Kongreso, kabilang ang pagpapalawak ng Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) Program, pagpapalakas ng Last Mile Schools Program at ang panukalang National Nutrition Program na layong palawakin ang school-based feeding program at iba pang mga hakbang sa nutrisyon para sa mga batang Pilipino.
“Laws matter. But what matters even more is whether people actually feel the difference. Because the true measure of every law is not what is written on paper—it is what changes in people’s lives,” ani Speaker Dy.
Habang naghahanda ang Kongreso para sa pagbubukas ng Ikalawang Regular na Sesyon, sinabi ni Dy na nananatiling nakatuon ang Kamara sa pagpasa ng mga batas na tumutugon sa tunay na pangangailangan ng mga Pilipino.
Iginigiit din ni Speaker Dy ang paninindigan ng Kamara sa patas na pambansang kaunlaran, lalo na para sa mga komunidad sa labas ng Metro Manila.
Muli ring tiniyak ng Speaker ang patuloy na pakikipagtulungan ng Kamara sa mga lokal na pamahalaan upang maisulong ang inklusibo at napapanatiling pag-unlad sa buong bansa.

