Tulfo2

Rep. Tulfo nagpasalamat sa Committee on Welfare of Children sa pag-apruba sa Child Support Bill

93 Views

NAGPASALAMAT si House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo sa Committee on Welfare of Children matapos lumusot na ang isinusulong na batas sa naturang komite para patawan ng mas mabigat na parusang kulong ang mga magulang o tatay na ayaw sustentuhan ang kanilang mga anak.

Nasa Committee on Appropriations na ang House Bill 8987 o ang “ An Act Ensuring Child Support and Penalizing Parental Refusal or Neglect Thereof” para pag-aralan kung magkanong pondo ang kakailanganin para makapagtatag ng isang opisina sa DSWD na mangangasiwa sa implementasyon ng batas.

“Kailangang kailangan na natin itong batas na ito. Kailangang maparusahan ang mga tatay na ayaw bigyan ng suporta ang kanilang mga anak lalo na kapag iniwan na nya ang kanyang pamilya”, ayon sa pahayag ni Tulfo.

“Nagpapasalamat tayo sa ating mga kasamahan sa Kongreso, sa pag-usad nitong panukalang batas pero sana ay mas madaliin pa ito para tuluyan nang mapanagot ang mga walang pusong ama na tinalikuran ang kanilang mga sariling anak,” giit ni Tulfo

Ang naturang panukalang batas ay inihain ni Tulfo noong Agosto 2023, katuwang ang kanyang mga kasamahan sa ACT-CIS partylist na sina Reps. Jocelyn Tulfo, at Edvic Yap; Benguet Cong. Eric Yap at Quezon City 2nd District Rep. Ralph Tulfo.

Panukala ng mga mambabatas ang hanggang anim na taong pagkakulong sa mga “deadbeat” father na ayaw panagutan ang kanilang mga anak.

Napagkasunduan naman sa mga pagdinig na ang ibibigay na suporta ng tatay sa kanilang anak ay depende sa pangangailangan ng bata. Aatasan ng batas na ang DSWD sa pakikipagtulungan ng NEDA ang silang magtatakda kung magkano ang ibibigay na suporta ng ‘deadbeat’ father sa kanilang anak.

“This bill will help our sole parents, numbering around 15 million of our population, will be their tool to be able to support their children. Hindi na po kailangan lumuhod at magmakaawa ng mga ina sa mga ex nila at ama ng mga bata para sasustento,” giit ni Tulfo habang dinidinig kamakailan ang panukalang batas sa Kongreso.

“Enough is enough, I would say. This has to end right now, kaya kailangan pong ipasa ang batas na ito. What is really unfortunate, some of these irresponsible fathers are holding government positions while most are working in the private sector,” dagdag ni Tulfo.

Ang iba pang author ng naturang bill ay sina Reps. Paul Ruiz Daza, Patrick Michael Vargas, Paolo Z. Duterte, Gus Tambunting, Ma. Victoria Co-Pilar, Jude Acidre, Jurdin Jesus Romualdo, Baio Dimple Mastura, Ma. Rene Ann Lourdes Matibag, the late Edward Hagedorn, Noel Rivera, Wilbert Lee, at Angelica Natasha Co.