Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co

Rep. Zaldy Co: AKAP hindi pork barrel, derecho sa mahirap

23 Views

TINIYAK ni House appropriations committee chair at Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co na ang Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) — isang proyekto para sa mga Pilipinong may trabaho ngunit nananatiling mahirap — ay malinis at walang bahid ng katiwalian.

Sa isang panayam, diniin ni Co na ang AKAP ay hindi pork barrel dahil ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang humahawak ng pondo at tumutukoy ng mga benepisyaryo.

“Ito ay zero percent corruption. Diretso ito sa tao at DSWD ang namamahala,” aniya.

Ibinahagi ni Co na nabuo ang AKAP mula sa mga hinaing ng mga minimum wage earners gaya ng food service crew at Grab drivers, na hindi kwalipikado sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Aniya, sila ang masisipag na manggagawa na halos hindi na makapagpahinga, ngunit nananatiling kapos dahil sa tumataas na presyo ng bilihin.

Ang AKAP, na sinimulan noong 2024 sa ilalim ng liderato ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ay may budget na P26 bilyon para sa 2025.

Sa unang taon nito, halos limang milyong Pilipino ang nakatanggap ng tulong na P5,000 bawat pamilya.

“Nais kong ipagpatuloy ang AKAP kahit tapos na ang termino ko,” ani Co, sabay diin na kailangan ang political will upang mapanatili ang mga programang tulad nito.