Yorme

Reporma ni Yorme Isko unti-unting nagbubunga

Edd Reyes Jul 28, 2025
270 Views

UNTI-UNTI ng nagbubunga ang mga inilatag na reporma ni Manila Mayor Isko Moreno para sa pagbangon ng naghihingalo ng pondo ng lungsod na ipinamana sa kanya ng nakaraang administrasyon.

Sa inilahad na ulat ni Atty. Paul Vega ng City Treasurer’s Office sa regular na pagpupugay sa watawat Lunes ng umaga, sinabi niya na mula lamang nitong ika-1 ng Hulyo hanggang 27, nakalikom na sila ng kabuuang P202 milyong piso, kabilang ang P35 milyon na lingguhang koleksiyon kahit suspendido ang trabaho noong nakaraang linggo.

Nagawa aniya nila ito sa suporta na rin ng lahat ng mga tanggapang nagpapalago rin ng kita na pinalawak pa ng tax amnesty program na ipinatupad nina Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Chi Atienza, pati na rin ng muling pagbuhay sa E-BOSS at ng full online integration ng GO Manila portal.

Sinabi ni Atty. Vega na hindi naman kaila sa lahat na halos said na ang pondo ng Maynila nang inilahad ito ni Mayor Isko Moreno sa kanyang inaugural address, pati na ang bilyon-bilyong pagkakautang na pinalago pa ng interes sa mga supplier, public utilities, contractors ng basura, at iba pa na matapang na hinaharap at ginagawan ngayon ng paraan ng alkalde upang hindi maantala ng husto ang serbisyo publiko.

Dagdag pa ni Atty. Vega, sa kabila ng mabigat na pasanin nila ngayon sa pananalapi, determinado at hindi sila nasisiraan ng loob na makakabawi at makakabangong muli para tuluyang maibalik ang tiwala ng publiko sa tulong at gabay na rin aniya, mga reporma, at pagsisikap ni Mayor Isko Moreno, pati na ng lahat ng kasama nilang mga opisyal ng lahat ng departamento.

Sa kanya namang talumpati, inihayag ng alkalde na pinakakaingatan niya ang pangkalahatang pondo o general fund, dahil dito aniya kinukuha ang sahod ng lahat ng mga kawani na dapat na maibigay sa kanila ng wasto at tamang oras.

Nagbigay din siya ng tagubilin sa mga kawani na pagsilbihan ng tapat sa kanilang puso at isipan ang mamamayan dahil hindi aniya lahat ay nabibigyan ng pagkakataon para makapagsilbi sa tao na pinakamasarap namnamin ng isang serbisyo publiko.

“Isipin ninyo, naglalakad kayo sa hallway, may sasalubong sa inyo para lang magpasalamat sa naibigay ninyong serbisyo, me sahod ka na, may thank you ka pa,” sabi ng alkalde.