Momo

Resolusyon para sa suspensiyon o pagpigil sa toll fee umusad sa Kamara

88 Views

PASADO na sa unang pagbasa ng Kamara ang House Resolution 882 na inihain ni Surigao del Sur Rep. Romeo Momo Sr. na nananawagan sa Toll Regulatory Board (TRB) na suspindehin o i-freeze ang toll fees nationwide o di kaya, bawasan muna ito habang may giyera pa sa Iran.

Ayon kay Momo, dahil sa digmaan sa pagitan ng Amerika at Israel laban sa Iran, tiyak na tataas ang presyo ng langis at kasunod nito ay tataas din ang presyo ng mga bilihin at serbisyo, hindi lang sa bansa kundi sa buong mundo.

Dagdag pa ni Momo, ang pansamantalang pagpigil sa toll fees o pagbawas nito ay magbibigay ng kaunting ginhawa sa ekonomiya ng bansa na mahalaga para sa pagbangon at patuloy na pamumuhay.

Si Momo, na may-akda rin ng New Building Act at Department of Water Act na kasalukuyang nakabinbin sa Senado, ay nananawagan sa TRB na pag-aralan ang posibleng matinding epekto ng toll fee sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin ngayon.

Ayon pa kay Cong Momo, ang pagpigil muna ng toll fees ay maaaring makatulong sa ekonomiya dahil karamihan sa mga produktong pumapasok o nanggagaling sa mga probinsiya na dumadaan sa mga toll gate ay mga pangunahing bilihin, produktong pangkonsumo o para sa mgab industrial raw material. Sa pagpigil ng toll fees, hindi gaano tataas ang presyo ng mga bilihin kung kaya’t hindi bababa ang konsumo ng mga produkto at serbisyo.