Topacio Source: Atty. Topacio

Retired Air Force Gen arestado sa pagsulsol sa sedisyon

Alfred Dalizon Jan 5, 2026
265 Views

INARESTO si retiradong Air Force Major General Romeo Poquiz ng mga tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) umaga ng Lunes dahil sa kasong inciting to sedition.

Ang kaso ay nag-ugat sa marahas na anti-corruption rally noong Setyembre 21 sa Maynila, kung saan sinunog ng mga nagprotesta ang pampubliko at pribadong ari-arian at inatake ang mga anti-riot police na nagresulta sa pagkasugat ng mahigit 100 pulis.

Ayon kay PNP-CIDG Director, Major General Robert Alexander A. Morico II, inaresto ang akusado sa arrival area ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 sa Pasay City batay sa warrant of arrest para sa inciting to sedition na inilabas ni Judge Rodrigo Pascua Jr. ng Quezon City Regional Trial Court Branch 77.

May rekomendadong piyansang P48,000 para sa pansamantalang kalayaan ni Poquiz, na miyembro ng Philippine Military Academy Class 1981.

Pinangunahan ng CIDG National Capital Region (NCR) Field Unit sa pamumuno ni Colonel John K. Guiagui at ng PNP Aviation Security Group sa ilalim ni Brigadier Gen. Dionsio B. Bartolome ang pag-serve ng warrant laban sa 67-anyos na retiradong opisyal ng militar.

Kagagaling lamang ni Poquiz sa Bangkok, Thailand, sakay ng Cebu Pacific flight nang siya ay arestuhin. Inaasahang agad siyang magpo-post ng piyansa para makalaya mula sa kustodiya ng CIDG-NCR.

Kasama si Poquiz sa mga pro-Duterte na politiko at abogado, at ilang student leaders na kabilang sa 97 “persons of interest” na kinasuhan kaugnay ng marahas na rally noong Setyembre 21 sa Maynila.

Na-monitor si Poquiz na nagsalita ng mga sedisyosong pahayag sa Quezon City sa panahon ng nasabing pagtitipon. Sinuri ng Department of Justice ang kanilang mga kaso bago ito ipasa sa korte sa QC na naglabas ng warrant of arrest.

Isa sa kanyang mga kasamang akusado ay si Cavite 4th District Rep. Francisco “Kiko” Barzaga.

Bagaman sinabi ni acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. na palaging susundin ng pulisya ang maximum tolerance sa paghawak ng mga protesta bilang paggalang sa kalayaan sa pagpapahayag, nanawagan ang ibang opisyal sa mga lider ng rally na kontrolin ang kanilang hanay o humarap sa kaso kapag naging marahas ang kanilang mga tagasuporta.

Nagkaroon ng karahasan sa rally noong Setyembre 21 nang magsunog ng mga sasakyan ang mga nagprotesta, maghagis ng Molotov cocktails at umatake sa PNP Civil Disturbance Management (CDM) troops, na nagresulta sa pagkasugat ng mahigit 100 katao sa Claro M. Recto Avenue, Ayala Bridge at Chino Roces (dating Mendiola) Bridge sa Maynila.

Noong Oktubre 12, pinangunahan din ni Barzaga ang isang maliit na demonstrasyon na nanawagan kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magbitiw.

Sinabi ni Nartatez na inilabas ang warrant ng QC court noong Disyembre 5.

“The case was referred to the court by the prosecution service. Mayroon tayong due process and we will follow it. The PNP will always uphold the Constitution and duly-constituted authorities. If there’s a basis na you have committed a violation of the law, gagawin ng PNP is to implement the law without fear or favor,” aniya.

Sa kaso ni Poquiz, sinabi ni Nartatez na nakalap ng PNP-CIDG ang ebidensiya laban sa kanya at ipinasa ito sa prosecution service na nakakita ng probable cause para kasuhan siya.

“The court issued the warrant after finding probable cause, that’s the process. Walang personalan dito,” pahayag ni Nartatez.