Calendar

Revilla magsasampa ng cyber libel sa sumira ng kanyang pagtakbo sa Senado gamit fake news
NAKATAKDANG magsampa ng mga kasong cyber libel si Senador Ramon Bong Revilla laban sa ilang indibidwal na umano’y nagpakalat ng maling impormasyon online na nakaapekto sa kanyang kandidatura sa Senado nitong May 2025.
Ayon kay Atty. Raymond Fortun, tagapagsalita ni Revilla, inihahanda na ng kampo ng senador ang lima hanggang sampung reklamo laban sa mga taong nagbahagi ng pekeng balita—lalo na yaong nagsasabing nahatulan si Revilla sa kasong plunder at inutusang ibalik ang ₱124.5 milyon sa gobyerno.
“Senator Revilla was falsely charged before the Sandiganbayan. He has no pending case in any court of law since then,” binigyang-diin ni Fortun. “There is nothing in the decision of the Sandiganbayan wherein he has been ordered to return any amount to the government.”
Ipinakita ni Fortun ang bahagi ng desisyon ng kasong SB-14-CRM-0240 bilang patunay na na-acquit si Revilla at hindi maaaring patawan ng civil liability. “Kung siya ay na-acquit, hindi posible na papatawan siya ng civil liability,” paliwanag ni Fortun.
Ang mga pekeng post umano’y nagsimulang kumalat dalawang linggo bago ang halalan—isang panahon na kritikal para kay Revilla, na nasa “twilight zone” ng labanan o ika-11 hanggang ika-14 na puwesto.
“Makikita mo, yung target was more probably to those who were in the lower half,” aniya.
Nagtapos si Revilla sa ika-14 na puwesto—dalawang baitang ang layo sa huling puwesto ng mga nanalo. Tinanggap naman umano ni Revilla ang pasya ng taumbayan, ngunit nalungkot sa paniniwalang naapektuhan ng maling impormasyon ang boto.
“He accepted the decision made by the Filipino people… but what he regrets is the fact that many believed he was still guilty of wrongdoing,” ayon kay Fortun.
Nakikipag-ugnayan na ang kampo ni Revilla sa National Bureau of Investigation (NBI) upang tukuyin ang mga nasa likod ng pekeng balita, karamihan umano’y gumagamit ng alyas.
Inaasahang maihahain ang mga reklamo sa loob ng dalawang linggo. “Definitely Senator Revilla will be filing the appropriate charges—specifically cyber libel—against certain individuals,” kumpirma ni Fortun.
Nang tanungin kung posibleng bahagi ito ng organisadong atake mula sa mga kampo nina dating Pangulong Duterte o Pangulong Marcos, iginiit ni Fortun na wala siyang nakikitang koneksyon.
“At least based on the initial impressions… it does not appear to be an organized group. The Duterte camp has nothing to do with this,” aniya.
Sa loob ng mahigit tatlong dekadang paglilingkod sa pamahalaan, si Revilla ay may mahigit 2,000 panukalang batas na iniakda o co-authored, kung saan higit 300 ang naisabatas. Kabilang dito ang Motorcycle Helmet Law (RA 10054), Anti-Distracted Driving Act (RA 10193), Salary Standardization Law (RA 11466), at ang Expanded Centenarian Act (RA 11982) na nagbibigay ng insentibo sa mga nakatatanda.
Ayon pa kay Fortun, labis na naapektuhan si Revilla hindi lamang sa pulitika kundi pati sa personal na buhay. “He’s depressed because he feels that he has let down the Filipino people… na-deprive siya ng pagkakataon na makapagsilbi ulit.”
Bagama’t walang pormal na reklamo ang inihain sa Commission on Elections (COMELEC) hinggil sa mga nasabing post, iminungkahi ni Fortun na panahon na upang magkaroon ng malinaw na patakaran laban sa digital disinformation. “This is a developing field… There has been no law, to my mind, that really addresses this kind of digital disinformation.”
Sa pamamagitan ng mga kasong isasampa, hangad ni Revilla na maging babala ito sa iba na ginagamit ang social media upang manira. “Paninira ito na may masamang layunin,” ani Fortun. “It’s time people are held accountable for creating and spreading fake news.”