Calendar
Rhea, ninang ng dream house nina Marian at Dingdong
MATAPOS ang mahigit apat na taon ng pagiging lone endorser ng Beautederm Home, eh, nag-renew ng kontrata si Marian Rivera kahapon sa kumpanyang pag-aari ni Rhea Anicoche-Tan para sa mga bagong produkto sa ilalim ng Reverie line.
Thirty solid months ang pinirmahang deal ng Kapuso Primetime Queen na pinakamatagal na marahil sa lagpas 70 celebrity endorsers ng Beautederm.
Ayon kina Marian at Miss Rhea, malalim na nga ang relasyon nilang dalawa hindi lamang bilang company owner at endorser, kundi bilang magkaibigan at magkapamilya.
Kwento ni Marian, parati silang nag-uusap ni Ms. Rhea “nu’ng una about the product lang pero after nu’n, iba-iba na ’yung pinag-uusapan namin. About shopping na, about family na. Lumalim nang lumalim. Saka siguro bilang tao, alam n’yo ’yan, mararamdaman n’yo naman kung sincere ’yung tao sa inyo, kung concerned sa inyo.
“So, naramdaman ko lahat kay Ate Rhea ’yon kaya siguro hindi naging mahirap sa amin na magkalapit ’yung loob namin hanggang ngayon.
“May one time lang na nagtampo siya, pero nasolusyonan naman. Basta ano lang, hindi naman OA. Minsan tampo lang. ’Di naman ’yung sobrang lalim to the point na nag-aaway. Parang ’di ’ata mangyayari sa amin ’yon dahil tulad ng sabi niya, parehas kami ng ugali. We’re very transparent to each other, ang pamilya ang priority at love namin at ’pag nakita namin ang ibang tao na mahal kami, mas mamahalin pa namin kayo. Parehas kaming dalawang ganu’n.”
“Number 1 budol ng buhay ko” naman ang pabirong description ng Beautederm president/CEO sa misis ng Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes dahil mula sa pagkain at kagamitan sa bahay, swak na swak din silang dalawa sa pamimili ng mga damit, sapatos, alahas at kung anu-ano pa.
Masasabi umano ni Miss Rhea na, so far, si Marian talaga ang top endorser ng Beautederm dahil bukod sa pagkakaibigan at pagmamahal sa kanya, eh, meron din itong likas na malasakit sa produktong iniendorso at sa kumpanya niya.
Kaya naman deklarasyon pa ni Miss Rhea, “Walang echos, mawala na ang lahat ng endorsers ng Beautederm, ’wag lang si Marian.”
Maging ang TF (talent fee), hindi raw issue sa pagitan nila at lahat ng bagay kay Marian ay magaan. Nang tanungin kung pagbibigyan ba niya ang hiling ni Marian na makasama bilang Beautederm endorser ang paborito nitong K-drama superstar na si Hyun Bin, ang sagot lang ni Miss Rhea ay: “Nag-iipon pa po ako.”
Pero sinigurado niya na tuloy ang plano niyang dagdagan ng Korean stars ang line-up ng kanyang ambassadors.
Anyway, hindi man gaanong nagbigay ng detalye tungkol sa ipinagagawa nilang dream house ni Dingdong, nagbiro naman si Marian na sakaling mabuo na ito ay hindi nila ipagdadamot ng asawa ang bahay at isi-share ito sa publiko.
Sa house warming, posibleng maging ninang si Miss Rhea at kwelang sabi pa ni Marian: “Kunin natin ’yung necklace niya, ibili natin ng chandelier.”
Samantala, ang una sa mga bagong produkto ng Reverie ay ang Pour Tout Faire, isang three-in-one multi-purpose spray na nagde-deodorize, disinfect at nagpoprotekta sa kapaligiran dahil formulated ito para ma-eliminate ang unpleasant odor at instantly ay ma-disinfect ang surfaces ng bahay sa pagpatay ng mga bacteria at virus upon contact.
Dalawa ang variants nito: Ang Fresh & Vibrant at Clean & Calm. Ideal ang Pour Tout Faire sa pag-sanitize ng hangin, sa mga linen at lahat ng surfaces at maaari ring i-spray sa balat ng tao at sa damit dahil 100% na ligtas sa mga bata at pets.
At bilang special treat sa partnership renewal ng Beautéderm Home at ni Marian, maglalabas din ang Reverie ng special limited edition soy candle box set na may tatlong bagong scents: Ang Inviting Cherimoya, Irresistible Vanilla at Tempting Pear and Melon.
Sa nasabi ring presscon ay binigyan naman ng belated birthday surprise nina Marian at Miss Rhea ang talent manager na si Lolit Solis na sabi nga nila ay napakalaki ng naitulong sa kanila nu’ng nagsisimula pa lamang sila sa kani-kanilang mga karera bilang artista’t negosyante.