Suspek

Rider sumemplang sa pagtakas, boga, bala buking

Edd Reyes May 6, 2025
17 Views

BogaNASAKOTE ang rider sa Caloocan City na umiskerda sa checkpoint dahil walang helmet nang sumemplang noong Lunes at nabuking pa na may kargadang cal .38 na baril at limang bala.

Pinara ng mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Paul Jady Doles si alyas Roger sa Oplan Sita sa P. Dela Cruz St., Sitio Gitna, Brgy. 166 dahil sa hindi pagsusuot ng helmet dakong alas-3:50 ng hapon.

Sa halip na huminto, pinaharurot ng suspek ang kanyang motorsiklo subalit dahil sa pagmamadali, nawalan ng kontrol hanggang sumemplang na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.

Nang suriin ng mga tauhan ng Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU) ang dala niyang belt bag, nakita ng isang kalibre .38 revolver at limang bala.

Mga kasong resistance and disobedience to a person in authority, paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at paglabag sa Omnibus Election Code ang isasampa ng pulisya sa Caloocan City Prosecutor’s Office laban sa suspek.