Calendar
RIT nanutok ng baril-barilan sa pulis, diretso sa kulungan
TOY gun lang ang ipinanutok sa pulis ng isa sa dalawang lalaking magka-angkas sa motorsiklo matapos parahin para sitahin sa suot na tsinelas Lunes ng hapon sa Valenzuela City.
Arestado ang mga suspek na sina alyas “Roberto” na 31-anyos at alyas “Jovan” na 27-anyos, kapuwa residente ng Barangay Baesa, Caloocan City, matapos makorner ng mga tauhan ng Valenzuela Police Sub-Station 9 sa harap ng 3S Building, Karuhatan Road, Brgy. Karuhatan, dakong alas-2:40 ng hapon.
Ayon kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, tinakbuhan ng dalawang sakay ng motorsiklo ang kanyang mga tauhan nang parahin dahil sa paglabag sa panuntunan ng Land Transportation Office (LTO) kaya hinabol sila ng mga pulis.
Nang makorner, bumaba ang naka-angkas na si alyas Roberto sabay bunot ng baril at tinutukan si P/MSg. Daniel Roldan na nagkubli kaagad kaya nakatakbong muli ang suspek.
Dito na siya hinabol ng mga pulis hanggang sa madakip at makumpiska ang replica ng isang pistola, habang tunay na kalibre 38 revolver na kargado ng tatlong bala ang nakumpiska sa kasama niyang si alyas Jovan na unang nadakip sa maikling habulan.
Mahaharap sa mga kasong resistance and disobedience to a peron in authority at grave threat, at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang mga suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.

