Sunog

114 pamilya naabo bahay sa Navotas, magpapasko sa evacuation center

Edd Reyes Dec 22, 2025
357 Views

SA evacuation center magpa-Pasko ang 114 na pamilyang naabo ang bahay sa malaking sunog na tumupok sa mahigit 80-kabahayan noong Linggo sa Navotas City.

Sumiklab ang sunog alas-11:15 ng gabi sa Tambak Uno St., Brgy. Tanza Dos at mabilis na kumalat sa dikit-dikit na kabahayan na gawa sa light materials.

Sa bilis ng apoy, itinaas agad sa ika-apat na alarma dakong alas-11:58 ng gabi.

Labis ang paghihinagpis ng maraming residente dahil wala silang naisalbang gamit bunga ng mabilis na pagkalat ng apoy na hinihinalang sanhi ng hindi maayos na koneksiyon ng kuryente.

Nagtungo sa fire scene si Mayor John Rey Tiangco at inatasan ang mga opisyal na tulungan ang mga nasunugan.

Dakong alas-12:53 ng hatinggabi ng ideklarang kontrolado na ang sunog at naapula ng ala-1:33 ng nadaling araw ng Lunes.