Photo1 File na kuha ng biktimang si George Capistrano na kasama ang kanyang mga kaibigan.

RIT tinigok security escort ni Mayor Isko

Jon-jon Reyes Mar 15, 2026
171 Views

PATAY ang isang retiradong pulis na security escort ni Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa kahabaan ng Salonga corner Buendia Streets na sakop ng Barangay 134 sa Balut ,Tondo, Manila, madaling araw ng Linggo, Marso 15, 2026.

Kinilala ang biktima na si George Basan Capistrano, 56, residente ng 306 Salonga Street, Barangay 134.

Ayon sa report ng Manila Police District RaxaBago Police Station 1, bandang alas 12:03 a.m. nang mangyari ang pamamaril.

Sa kuha ng CCTV sa lugar, makikita na sinundan ng mga suspek ang biktima na lulan din ng motorsiklo.

Makalipas ang ilang segundo ay biglang pinutukan ng mga suspek ang biktima na humandusay sa kalsada. Mabilis na tumakas ang mga suspek.

Agad na rumesponde ang mga pulis sa pinangyarihan ng insidente matapos makatanggap ng ulat mula sa isang concerned citizen. Napag-alaman ng mga rumespondeng opisyal na ang biktima ay naisugod na sa Tondo Medical Center para sa agarang paggamot.

Dakong 12:36 ng madaling araw nang ideklarang patay ang biktima ng attending physician na si Dr. Jericho Liwag.

Sa pahayag ng asawa ng biktima na si Andrea Capistrano, 52, nasa loob siya ng kanilang bahay nang makarinig siya ng dalawang putok ng baril. Nang siya ay lumabas ng kanilang tahanan ay nakita niyang nakahandusay na sa semento ang kanyang asawa.

Patuloy ang ginagawang follow-up operation ng mga tauhan ng Smokey Mountain Police Community Precinct sa pangunguna ni PCPT Ryan Jay D. Balagtas upang matukoy ang pagkakakilanlan at kinaroroonan ng mga suspek.

Sinabi ng Manila Police District (MPD) na inaalam rin ang posibleng motibo ng pamamaslang sa biktima..

Nanawagan din ng hustisya ang pamilya, mga kaibigan, at dating kasamahan sa serbisyo ni Capistrano.

Sa social media, marami ang nananawagan ng “Justice for Sir George Capistrano,” at hinihiling sa pulisya na agad matukoy at maaresto ang mga suspek.

Si Capistrano ay inilarawan ng kanyang mga kasamahan na isang disiplinado at dedikadong alagad ng batas.