Calendar
Yate nasunog habang tinetest-drive
NILAMON ng apoy ang kakukumpuni pa lamang na yate habang sinusubukang patakbuhin Sabado ng umaga sa ilog ng Dampalit sa Malabon City.
Sa ulat ng Malabon City Fire Station, dakong alas-8:50 ng umaga nang matanggap nila ang tawag kaugnay sa nasusunog na sasakyang pandagat sa Megadike ng Dampalit River sa Barangay Dampalit.
Napag-alaman na ibebenta na sana ang kakukumpuni pa lamang na yate at upang matiyak na nasa maayos itong kondisyon, sinubukan nilang patakbuhin sa Dampalit River, kasama ang may-ari na siyang nagtitimon sa sasakyang pandagat, ang care taker, at ang buyer sana nito.
Hindi pa nakakalayo ang yate nang sumiklab ang apoy sa makina nito kaya’t kaagad itong ibinalik ng may-ari patungo sa dike kung saan sila sinagip ng ilang mangingisda na sakay rin ng bangka.
Naapula naman ng mga nagrespondeng tauhan ng Malabon City Fire Station ang apoy subalit hindi na rin ito mapapakinabangan dahil tupok na tupok ng husto ang yate.
Wala namang iniulat na nasugatan sa insidente habang inaalam pa kung ano ang naging sanhi ng pagsiklab ng apoy gayung bagong kumpuni pa lamang ito.

