Rivera Tumipa si Prisilla Rivera ng 32 points sa panalo ng Akari kontra sa F2 Logistics. PVL photo

Rivera nagbida sa Akari laban sa F2

Theodore Jurado Nov 16, 2022
328 Views

BINIGYAN ng Akari ng malaking dagok ang F2 Logistics sa kanilang kampanya upang makapuwesto sa semifinals matapos ang 25-21, 22-25, 26-24, 25-22 panalo kagabi sa Premier Volleyball League Reinforced Conference sa Smart Araneta Coliseum.

Sa kanilang huling laro sa torneo, bumira si Dominican Republic’s Prisilla Rivera ng 32 points at hindi pinaporma ng Chargers ang resident Cargo Movers import na si Lindsay Stalzer upang makopo ng ikatlong panalo sa walong asignatura.

“It’s always good to win. Finally, we got the spirit of this team,” sabi ni Akari coach Jorge Souza de Brito.

Samantala, nagsalansan si Elena Samoilenko ng 27 points at 11 digs nang pabagsakin ng PLDT ang Cignal, 25-21, 25-23, 22-25, 25-21, upang manatiling buhay ang pag-asang makapuwesto sa semifinals.

Nagagalak si coach George Pascua sa pagresponde ng kanyang mga manlalaro makaraang makuha ng HD Spikers ang third set, kung saan pinilit ng High Speed Hitters na mahila sa five-setter.

“Our goal is to win that match as much as possible. Ang sabi ko sa kanila, don’t stop, (the game is) not yet finished,” sabi ni Pascua. “Kasi kung magsa-stop ka two set pa lang, possible na bumaliktad ang sitwasyon. Lagi kong nire-remind sa kanila, keep fighting.”

Pumapalag pa sa karera sa Final Four, PLDT umakyat ang 3-4 upang makadikit sa F2 Logistics, Choco Mucho at Cignal, na pare-parehong may 3-3 baraha.

Ipinasok lang bilang substitute sa third set, kuminang rin si Janine Marciano para sa Chargers na may walong puntos, habang tumipa si Erika Raagas ng apat sa kanyang walong puntos.

Napalaban si Stalzer sa depensa ng Akari sa kanyang 17-of-62 attacks.

Umiskor rin si F2 Logistics middle hitter Ivy Lacsina ng 17 points, kabilang ang tatlong blocks, habang nagtala rin ng tatlong blocks si Kim Kianna Dy upang tumapos na may 11 points.