‘Road rage’ sa QC; OFW binaril, sugatan

93 Views

SUGATAN ang isang babaeng overseas Filipino worker (OFW) matapos umanong barilin ng driver na kanyang nakaalitan nitong Martes ng gabi sa Quezon City.

Patuloy naman ang pagtugis ng pulisya sa driver ng isang puting Nissan Navara na umano’y bumaril sa sasakyan ng 38-anyos na biktima.

Batay sa report ng Quezon City Police District (QCPD), nangyari ang insidente dakong alas-6 ng gabi nitong Martes sa harap ng Ma Mon Luk restaurant sa Quezon Avenue, Barangay Doña Josefa, Quezon City.

Sakay ang biktima ng Toyota Vios patungo sa direksiyon ng QC Circle kasama ang limang iba pa, kabilang ang dalawang menor de edad.

Nagulat na lamang ang mga biktima nang bigla silang banggain ng pickup na Nissan Navara at natanggal ang side mirror ng kanilang sasakyan.

Sa halip na huminto, umarangkada ang driver ng pickup kaya hinabol ito ng sasakyan ng mga biktima.

Dito na sa tapat ng Ma Mon Luk restaurant inabutan ng mga biktima ang suspek at hinarang ang kanilang sasakyan sa pickup.

Bumunot naman ng baril ang suspek at pinaputukan ng ilang beses ang sasakyan ng mga biktima na nagresulta sa pagkasugat ng biktima.

Nagtamo ng tama ng bala ng baril sa kanang paa at kanang hita ang biktima.

Matapos ang pamamaril ay tumakas ang suspek patungong Araneta Avenue.

Ayon sa pulisya, kinakalap na nila ang mga CCTV sa lugar upang matukoy ang driver ng Nissan Navara.