Sen. Robinhood "Robin" C. Padilla

Robin: Hindi nagpapatawa ang ‘Makabagong’ Senado

191 Views

HINDI nagpapatawa ang Senado dahil naghahanap ito ng lunas sa mga mabibigat na suliranin ng bayan.

Iginiit ito ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla bilang tugon sa obserbasyon ng ilan na hindi raw “honorable-looking” ang ilang kasalukuyang miyembro ng Senado.

“Ang Senado po ngayon ay hindi nagpapatawa dahil ang minana namin na suliranin ng Bayan mula sa mga nagdaan na kagalanggalang at honorable senators ay hindi katatawanan. Seryosong pamana ito na dapat hinaharap ng may positibong pananaw,” aniya sa kanyang Facebook account.

Dagdag nito, ang nakikita ngayon sa Senado ay “nagmumula sa mas batang henerasyon na hindi sinusukat ng pagiging honorable looking ang pagganap sa kanilang trabaho,” at “galing sa masa” na “nakalapag ang paa sa lupa at hindi hinangad na tawaging honorable.”

Ipinunto rin ni Padilla na bagama’t maaring maingay ang kasalukuyang senador sa pandinig ng iba, hindi sila natutulog sa sesyon o naglalaro ng celphone.

“Ang pagbibigay ng mungkahi ng isang senador sa gitna ng sesyon o talakayan ay hindi kalapastanganan kundi parliamentaryong pamamaraan na pinapayagan ng rules of Senate. Ang pagiging tao ng isang senador para makiusap sa kanyang kinasasakupan ay hindi isang kakulangan kundi isang pagpapakumbaba ng isang inihalal na dapat ay hindi mataas ang tingin sa sarili kundi isang lingkod bayan na walang galang na po sa mga umuusig sa aming pamunuan,” dagdag niya.

Ipinagtanggol ni Padilla si Senate President Juan Miguel Zubiri at majority leader Joel Villanueva na “magaling at diretsong pinuno” at “hindi tradisyunal na pulitiko na nakaangat ang paa sa lupa kundi isang trabahador ng taong Bayan.”

“Sa kanilang dalawa ang lahat ay pantay pantay kayat kaming nasa ilalim ng kanilang pamamahala ay mas nagpapakumbaba sa aming nasasakupan. Hindi kailanman ang pagiging honorable ang batayan ng serbisyo kundi kung sino ang nakapaglapit ng gobyerno sa Tao. Masanay na po kayo sa bagong mukha ng Senado: Bata, Maliksi at walang paligoy ligoy,” aniya.