Madrona

Romblon International Airport pangarap ni Madrona para sa kanilang lalawigan

Mar Rodriguez Mar 18, 2026
327 Views

OPTIMISTIKO ang Chairman ng House Committee on Tourism na si Romblon Lone District Rep. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona na magkakaroon ng kauna-unahang “international airport” ang kanilang lalawigan sa darating na panahon.

Ang pangarap ni Madrona para sa kanilang lalawigan ay kaugnay sa inilatag na plano ng lokal na pamahalaan ng Romblon na palawigin ang runway ng kanilang airport upang makalapag ang mas malalaking eroplano na may mas mataas na kapasidad ng mga pasahero at ang posibleng pagiging international airport nito.

Ibinahagi din ni Madrona, Vice-Chairman din ng House Committee on Transportation, na ang mga hakbang na ginagawa ng pamahalaang nasyunal para mapalakas ang transport connectivity sa lahat ng lalawigan kabilang na ang Romblon.

Pagbibigay diin ni Madrona na malaki ang maitutulong nito para sumikad ng husto o mag-boom ang ekonomiya ng Romblon sa larangan ng kalakalan, turismo partikular na sa negosyo ng pagma-marmol na makakatulong din sa ekonomiya ng Plipinas.

Ayon kay Madrona, nakatakdang magroon ng tinatayang 2.2 kilometro runway extension ang kanilang airport na magbibigay daan para makalapag ang mga malalaking eroplano gaya ng airbus, turbo-fan jet craft at iba pang kahalintulad nito.

Ipinahayag din ng mambabatas na nailipat na sa pamahalaang lokal ng Romblon ang pondo para sa site acquisition o ang pagkuha ng karagdagang lupa na kakailangan sa proyekto habang buong buo naman ang suporta ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa naturang proyekto.

Ayon kay Madrona, sa kasalukuyan ay limitado lang ang uri ng eroplano na makakapag-biyahe patungong Romblon dahilan naman upang ang mga turbo-prop aircraft lamang ang karaniwang eroplano na lumalapag sa kanilang airport.

Samantala, nakipag-pulong naman si DSWD MIMAROPA Regional Director Benchie B. Gonzales at Jon Joseph H. Medrano Regional Executive Assistant kay Madrona para ipabatid ang tungkol sa pagkakaroon ng pondo para sa Romblon. Kasama din dumalo sa pulong sina COS Denon S.F. Madrona at Technical Staff Mr. Johnny G. Santos.