Calendar
Romblon magiging no. 1 tourist area ng ‘Pinas–Rep. Madrona
UMAASA si Romblon Rep. Eleandro Jesus “Budoy” Madrona na darating ang panahon na makikilala ang kanilang lalawigan na no. 1 tourist destination matapos aprubahan sa Kamara de Representantes ang siyam na panukalang batas na nagsusulong ng turismo ng Romblon.
Hindi nasayang ang pagod at pagsisikap ni Madrona, vice-chairman ng House Committee on Transportation, sapagkat bago mag-adjourn ang session ng Kongreso inaprubahan sa ikalawang pagbasa ang inakda niyang panukalang batas.
Optimistiko si Madrona na ang isinulong niyang siyam na panukalang batas ang magpapaunlad hindi lamang sa turismo ng Romblon bagkus maging sa pagpapa-angat sa ekonomiya ng lalawigan.
Ipinahayag ni Madrona na kung tutuusin ay kayang-kaya nilang ungusan ang popularidad ng ibang tourist destination sa Pilipinas dahil maipagmamalaki rin ng Romblon ang white sand nito na kasing pino ng pulbos.
Kabilang sa siyam na panukalang batas na inihain ni Madrona ay ang House Bill No. 1663, HB No. 1664, 1665, 1666, 1667, 1668, 1669, 1672 at House Bill No. 2928 na naglalayong ma-iangat ang turismo ng lalawigan.
“Isang magandang balita ang ating ipinararating. Naaprubahan na sa ikalawang sa Kamara ang ating inakdang panukalang batas para sa pagsusulong ng turismo sa ating lalawigan,” sabi ni Madrona.
Nauna rito, nagpahayag ng kagalakan ang kongresista matapos aprubahan kamakailan ng Kongreso sa ikatlo at huling pagbasa ang pagbubuwag sa travel tax.
Sinabi ni Madrona na ang panukalang batas na ito ay isang napakagandang inisyatiba para tulungan ang maraming mamamayan na labis na nabibigatan sa ipinapataw na travel tax.
Ayon sa kaniya, ang House Bill No. 8464 o “Travel Tax Abolition Act” ay tugon sa karaingan ng mga Pilipino na ang pagbibiyahe ay itinuturing dati bilang pribilehiyo lamang para sa mga mayayaman subalit ngayon ay maraming mamamayan na ang naglalakbay dahil sa kanilang personal na pangangailangan.
“The proposed abolition of travel tax is but a timely initiative that will not only reduce travel costs, but will also stimulate tourism-dependent sectors and encourage our countrymen to travel thereby fostering economic opportunities and cultural exchange,” ayon kay Madrona.

