Romero1

Romero nagbigay pugay sa mga Pilipinong Atleta na lumahok at nagwagi sa Asean Games

Mar Rodriguez Oct 10, 2023
250 Views

NAGBIGAY PUGAY ang kilalang “sports enthusiast” na si 1-PACMAN Party List Cong. Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., bunsod ng karangalan at tagumpay na nakamit ng Philippine basketball team at iba pang Pilipinong Atleta sa katatapos pa lamang na Asian Games na ginanap sa Hangzhou, China.

Pinasalamatan at pinapurihan ni Romero, Chairman ng House Committee on Poverty Alleviation, ang ipinamalas na galing at husay ng mga Pilipinong Atleta partikular na ang nakamit na tagumpay ng men’s basketball team sa pangunguna ng naturalized Filipino na si Justine Brownlee.

Sinabin ni Romero na matapos ang halos 61 taon muling nasungkit aniya ng Gilas Pilipinas ang Kampyonato ng Basketball sa Asean Games matapos nilang ilampaso at pataubin ang koponan ng Jordan para sa “battle for Gold match” dahil na rin sa husay na pamumuno ni Coach Tim Cone.

Dahil dito, binigyang diin ng kongresista na ipinagmamalaki umano nito ang husay at galing na ipinamalas ni Justine Brownlee na nagbigay ng napakalaking kontrobusyon para masungkit ng Gilas Pilipinas ang Gintong medalya.

“Pagkatapos ng halos 61 taon. Nasungkit ng Gilas Pilipinas ang Kampyonato ng Basketball sa Asean Games. Ipinagmamalaki natin ang husay at galing ni Justine Brownlee. Tayo ang nagpanukala na mapagkalooban ng Filipino Citizenship si Brownlee,” ayon kay Romero.