Calendar
Romero nananawagan sa OTS: Papanagutin sindikato sa likod ng anomalya sa NAIA
NANANAWAGAN ang Chairman ng House Committee on Poverty Alleviation na si 1-PACMAN Party List Cong. Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., sa Office of Transport Security (OTS) na habulin at papanagutin ang sindikatong nasa likod ng panibagong kontrobersiya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Binigyang diin ni Romero na hindi lamang ang kontrobersiyal na 28 taong gulang na OTS contractual employee ang dapat mapanagot. Bagkos, maging ang mga taong nasa likod na posibleng nag-utos sa kaniya na isubo ang $300.00 dollars na kinuha nito sa pasaherong Chinese national.
Ipinaliwanag ni Romero na hindi lamang ito ang unang pagkakataon na nahuli ang isang tauhan ng OTS at nasangkot sa pagnanakaw. Kung kaya’t ang palagay ng kongresista ay hindi lamang iisang tao ang kumikilos sa loob ng NAIA sapagkat maaaring mayroon umanong nangyayaring sabwatan.
Dahil dito, kinakalampag ni Romero si Department of Transportation (DOTr) Sec. Jaime Bautista para tutukan at magtakda ng time table para tugisin at sampahan ng kaso ang pinaniniwalaang sindikato na kumikilos sa loob ng NAIA sa pamamagitan ng ilang tiwaling tauhan ng OTS.
Ipinahayag pa ng mambabatas na ang kaso ng pagnanakaw sa NAIA na kinasasangkutan ng ilang tiwaling tauhan ng OTS ang naglalagay sa Pilipinas sa matinding kahihiyan sa mata ng international community. Kaya nararapat lamang aniya na mismong ang OTS ang maglinis ng kanilang sariling dumi.