Romero

Romero nanawagan sa mga undocumented Pinoys sa US na mag-voluntary repatriation

Mar Rodriguez Nov 17, 2024
53 Views

NANANAWAGAN si 1-PACMAN Party List Rep. Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., sa mga kababayang Pilipino sa Estados Unidos (US) na mga “undocumented” na mas makabubuting mag-voluntary repatriation na sila bago pa sila tuluyang tamaan ng gagawing pagpapatupad ng mas mahigpit na deportation policy sa ilalim na papasok na administrasyon ni President-Elect Donald Trump.

Ayon kay Romero, Chairman ng House Committee on Poverty Alleviation, upang hindi na maharap sa mas malaking problema ang tinatayang nasa 300,000 undocumented Pilipino sa US. mas makabubuting samantalahin na nila ang panawagan para sa voluntary repatriation bago pa magkahigpitan sa taong 2025.

Sabi ni Romero na kilala si Trump bilang mahigpit na nagpapatupad ng deportation policies kaya umaapela rin aniya si Philippine Ambassador to United States Jose Manuel Romualdez na samantalahin na ng mga apektadong Pilipino ang naturang panawagan sakaling wala ng legal option na maaaring gawin upang manatili sa US ang mga undocumented Pinoys.

Aminado ang kongresista na hindi madali ang magdesisyong bumalik ng Pilipinas lalo na at nakapagpundar na ng negosyo at may trabaho na ang mga apektadong Pilipino sa US. Subalit kailangan pa rin aniyang harapin ng mga ito ang katotohanan na kailangan na nilang bumalik ng bansa upang maiwasan ang mas mabigat na problema.

Sinang-ayunan din ni Romero ang panawagan para sa Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at iba pang ahensiya para sa pagpapatupad ng comprehensive integration programs para sa mga Pilipinong magsisibalik sa Pilipinas.