Calendar
Romualdez: Kahirapan sa bansa, tinutugunan na ng pamahalaan
INIHAYAG ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na ang pag-abswelto ng Marcos Administration sa mga utang ng mga magsasaka o “loan condonation” na umabot sa P57.56 bilyon ay isa lang sa pamamaraan ng pamahalaan para matulungang maiahon sa kahirapan ang 600,000 na magsasaka ng bansa.
Kasabay nito, tiniyak rin ni Speaker Romualdez na marami pang programa ang pamahalaan na nakalinya para matugunan ang problema sa kahirapan.
“Dati kasi, yung kinikita ng magsasaka natin ay napupunta lang sa pagbabayad sa utang dahil nakasanla ang lupa na sinasaka niya,” ayon pa sa House Speaker. “Now being free from debt, maitatabi na niya ang kinikita niya para sa pamilya niya.”
Aniya pa, ang pagtataas naman ng sahod ng P40 kada araw ng mga manggagawa sa Metro Manila ay isa rin sa solusyon para maibsan ang epekto ng mataas na mga bilihin ngayon.
“I know it is not enough pero dapat i-consider din natin na karamihan sa mga employer na ito ay nagrerekober pa rin dahil sa epekto ng Covid,” pahayag pa ng lider ng Kongreso.
Paniniguro naman niya, “Hindi po kami titigil dyan, dahil marami pang mga panukalang batas sa Kongreso ang nakalinya na tutugon sa kahirapan ng bansa.”
Nagpaalala rin naman siya na, “ang Marcos Administration ay naka-focus simula pag-upo nito sa pagsawata sa kahirapan or poverty alleviation at recovery from pandemic…so yan ang prayoridad natin ngayon”.
Nabatid na ilan pa sa mga programa ng pamahalaan para sa mahihirap ay ang pagpapatayo ng mga Kadiwa stores nationwide, low cost housing ng Department of Human sSettlements, at ang patuloy na pagbibigay naman ng ayuda sa mga mahihirap ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).