Martin

Romualdez: Kapakanan ng mga seaman  at pamilya, priority rin ng gobyerno

160 Views

SINIGURO ni House Speaker Ferdinand Romualdez na priority rin ng administrasyong Marcos maging ang kapakanan at kabutihan ng mga Filipino seafarers at kani-kanilang pamilya, at hindi lamang ng mga overseas Filipino workers (OFWs).

“Malaki po ang ambag ng ating mga seaman sa ekonomiya ng bansa kaya bilang pasasalamat, kailangan namin sa pamahalaan, lalo na sa Kongreso, na masiguro ang maayos ang kapakanan ng bawat seaman natin,” ayon kay Speaker Romualdez, sa isang pahayag kamakailan.

“Siyempre dapat matiyak din natin na maayos ang kalagayan ng pamilya nila dito sa atin habang sila naman ay nasa labas ng bansa,” dagdag pa niya.

Lumalabas na bilyun-bilyong dolyar kada taon ang naire-remit ng mga swaman natin sa bansa na malaking ambag naman sa ating gross domestic product (GDP).

“The President has instructed our MARINA (Maritime Industry Authority) na siguruhin na nakakasunod ang Pilipinas sa mga International Maritime at Seafarer Standards dahil tila tayo ang paborito ng mga foreign shipping companies na pinagkukunan ng kanilang mga tauhan sa barko,” ani Romualdez.

Base sa datos ng pamahalaan nasa higit kalahating milyon na ang mga Filipino seafarers o one-fourth sa bilang ng lahat ng seaman sa buong mundo.

Dagdag pa ng mambabatas mula Leyte, “I can assure you na hindi sila pababayaan sa ilalim ng administrasyon na ito at ang kanilang pamilya.”

“Batid po natin ang sakripisyo nila sa trabaho pati na ang pagkawalay nila sa pamilya kaya tututukan po natin ang kanilang kapakanan at mga pangangailangan,” pahabol ni Speaker Romualdez.