Martin2

Romualdez: Mga seamen priority ng Kongreso

Mar Rodriguez Dec 3, 2022
212 Views

TINIYAK ngayon ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez na magiging priority ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang mga nakasalang na panukalang batas na magbibigay ng malaking pakinabang at benepisyo para sa mga Filipino seamen.

Sinabi ni Speaker Romualdez na gagawing priority ng kasalukuyang 19th Congress ang mga panukalang batas na makakatulong sa mga Filipino seamen sa iba’t-ibang panig ng daigdig.

Ang naging pahayag ng House Speaker ay kaugnay sa ginanap ng 20th Commencement exercise ng Maritime Academy of Asia and the Pacific (MAAP) sa Mariveles, Bataan.

Ipinahayag ni Romualdez sa harap ng mga nagtapos na Kadete ng MAAP na gagawing “top priority” ng Kamara de Representantes ang pagpasa ng panukalang “Magna Carta for Seafarers” na naglalayong mapangalagaan ang kapakanan at interes ng mga Filipino seamen.

“In fact, it was among the 32 legislative measures specified as priority under the common legislative agenda of the Senate and the House of Representatives,” sabi ng House Speaker.

Sinabi pa ni Romualdez na ang 32 legislatives measures bilang priority ay napagkasunduan din sa unang meeting ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) noong nakaraang October 10 na pinangasiwaan ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Inihayag din ng House Speaker sa mga graduates, mag-aaral, faculty at iba pang opisyal ng MAAP na iba pang panukalang batas ang kasalukuyang nakahain ngayon ngayon sa Kongreso. Kabilang dito ang Maritime Education and Training Act, International Maritime Instrument Domestication Act.