Calendar
LIBRENG WI-FI – Sa pagbubukas ng Free Public Wi-Fi site sa MacArthur Landing Memorial National Park ng Lunes, Hulyo 7, pinangungunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang inisyatiba para sa mas malawak at maaasahang internet access sa buong bansa. Nagsagawa ang Pangulo ng speed test at nakipag-ugnayan sa mga benepisyaryo mula Luzon, Visayas at Mindanao, habang nakasama din niya ang ilang estudyante sa paggamit ng libreng Wi-Fi mula sa Department of Information and Communications Technology.
Romualdez pinuri si PBBM sa pagpapalawak ng internet backbone
PINURI ni Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagsisimula ng Phases 2 at 3 ng National Fiber Backbone (NFB) Project sa Palo, Leyte, at inilarawan ito bilang isang matibay na hakbang tungo sa pagbibigay ng mabilis at maaasahang internet connection sa bawat pamilyang Pilipino.
“President Ferdinand R. Marcos, Jr. is making sure internet service becomes a basic right, not a privilege,” ani Romualdez. “This launch shows we are serious about bringing dependable connections to people who have waited far too long.”
Kasama ni Pangulong Marcos si Romualdez at iba pang opisyal sa paglulunsad ng proyekto na ginanap sa The Tropics ng McArthur Park Hotel sa Palo.
Sa bagong yugto, palalawakin ng NFB project ang coverage nito sa Luzon, tatawid sa Visayas kabilang ang Eastern Visayas, at sisimulan ang pagpapatupad sa ilang bahagi ng Mindanao.
Layunin nitong ikonekta ang halos 1,000 tanggapan ng pamahalaan, 20 probinsiya at makinabang ang tinatayang 17 milyong Pilipino, kabilang ang 1.39 milyong unique users.
Binigyang-diin ni Romualdez na sa kasalukuyang panahon, hindi na luho kundi isang pangangailangan ang pagkakaroon ng internet access para sa bawat pamilyang Pilipino.
“Walang pamilya ang dapat maiwan. Ang koneksyon sa internet ay hindi na dapat ituring na pribilehiyo—isa na po itong karapatang kailangang maabot ng bawat tahanan,” ani Romualdez.
“Hindi lang ito tungkol sa bilis ng internet. Mas mahalaga, mapapadali ang pag-access ng mga pamilya sa serbisyo ng gobyerno, makakapag-aral nang tuloy-tuloy ang mga estudyante saan mang panig ng bansa, at magkakaroon ng mas malaking pagkakataon ang maliliit na negosyo na lumago at makipagsabayan,” dagdag ni Romualdez.
Binanggit din niya na malaki ang maitutulong ng proyektong ito sa mga lugar tulad ng Eastern Visayas na matagal nang naiiwan sa larangan ng digital infrastructure.
Sinabi rin ni Romualdez na magsusumikap siyang matiyak na ang panukalang 2026 national budget ay maglalaan ng sapat na suporta para sa mga proyektong may kinalaman sa digital infrastructure, lalo na ang mga nasa ilalim ng Department of Information and Communications Technology (DICT) tulad ng Middle Mile Network, GovNet at Free Public Internet Access Program.
“We have a duty to make sure these projects are funded well and implemented right,” aniya. “Connectivity should not depend on where you live. Every barangay, from the center of the city to the farthest island, deserves access to reliable internet.”
“Dito natin maipapakita ang tunay na layunin ng Bagong Pilipinas—ang gobyernong marunong tumugon sa pangangailangan ng bawat mamamayan,” pahayag ni Romualdez.
Bukod sa Phases 2 at 3 ng NFB, pinasinayaan din ni Pangulong Marcos ang Free Public Wi-Fi sa MacArthur Landing Memorial National Park sa Palo, Leyte.
Sinimulan noong 2024, ang NFB project ay isang multi-phase initiative upang makapagtayo ng isang high-speed at secure communications network sa buong bansa.
Ang pinalawak na saklaw ng Phases 2 at 3 ay magbibigay-daan sa higit pang pag-unlad sa larangan ng digital health, edukasyon at kalakalan sa mga lugar tulad ng Cagayan de Oro, Davao at iba pa.
“Hindi ito proyekto ng iilan. Ito ay para sa pamilyang Pilipino—para sa mga estudyante, manggagawa, negosyante, at bawat isa na kailangang kumonekta sa mas mabilis na mundo,” sabi ni Romualdez.
“Kasama n’yo kami sa Kongreso sa pagtataguyod ng mga ganitong hakbang—tahimik man pero may tunay na epekto sa buhay ng karaniwang tao,” dagdag niya.

