Calendar
Sina Negros Occidental Rep. Javier Miguel “Javi” Benitez at Tingog Party-list Rep. Andrew Julian Romualdez sa Kamara de Representantes umaga ng Lunes.
Mga bagong bituin, bagong lakas ng ika-20 Kongreso
MAGKATUWANG na naglakad sa House of Representatives nitong Lunes sina Tingog Party-list Rep. Andrew Julian Romualdez at Negros Occidental Rep. Javier Miguel “Javi” Benitez, na sumasalamin sa matibay na alyansa na nakabatay sa respeto, pagkakaibigan at iisang layunin para sa paglilingkod-bayan.
Kabilang sina Romualdez at Benitez sa mga batang mambabatas na lumalahok sa ikalawang batch ng tatlong araw na Executive Course on Legislation para sa mga bagong miyembro ng ika-20 Kongreso.
Nakita ang dalawa na naglalakad at nagkukuwentuhan habang pabalik sa Executive Course na ginanap sa Andaya Hall ng main building ng Kamara matapos ang kanilang pananghalian.
Bilang bahagi ng kanilang patuloy na edukasyon bilang mga lingkod-bayan, sasailalim sila sa komprehensibong oryentasyon tungkol sa mahahalagang usaping pambatas, kabilang ang proseso ng badyet, etika at pananagutan, at ang mga sistema at tungkulin ng mga komite sa Kamara.
Layunin ng kursong ito na bigyan ang mga miyembro ng House of Representatives ng mas malalim na pag-unawa sa kanilang mahalagang tungkulin bilang mga mambabatas at sa takbo ng Kongreso.
Ang Executive Course on Legislation ay inilunsad ng House of Representatives, katuwang ang Center for Policy and Executive Development (CPED) ng University of the Philippines–National College of Public Administration and Governance (UP-NCPAG).

