Ruiz Presidential Communications Office Secretary Jaybee Ruiz

Sec. Ruiz: Media protocol ‘breach’ di dapat maulit

351 Views

PINAGTIBAY ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Jaybee Ruiz ang desisyon ng Media Accreditation and Relations Office (MARO) na humiling ng kapalit ng reporter ng Net 25 na si Eden Santos, matapos nitong labagin ang mga paunang itinakdang media protocol sa isang aktibidad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Tarlac noong Hunyo 25.

Sa isang opisyal na liham na ipinadala kay Malacañang Press Corps (MPC) Officer-in-Charge Ivan Mayrina, binigyang-diin ni Ruiz na ang nangyari ay hindi isang simpleng pagkukulang, kundi isang seryosong insidenteng nagbanta sa seguridad ng Pangulo at nakaapekto sa kaayusan ng aktibidad.

“Ang pagbabalita tungkol sa Pangulo ng Republika ay hindi pangkaraniwang assignment. Ito ay nangangailangan ng disiplina, maayos na asal, at pagsunod sa mga itinakdang protocol sa seguridad—hindi lamang bilang respeto sa Tanggapan, kundi para sa kaligtasan ng Pangulo at ng lahat ng naroroon,” ayon kay Ruiz.

Makikita sa video ng aktibidad na iniwan ni Santos ang itinalagang media area at mabilis na lumapit sa Pangulo nang walang pahintulot. Agad siyang hinarang ng isang unipormadong miyembro ng seguridad bilang agarang tugon sa nakitang banta.

Lalo pang nabahala si Ruiz sa naging epekto ng ginawa ni Santos, dahil may ibang mamamahayag na sumunod, na lalo pang nagpalala sa sitwasyon at nagdulot ng dagdag na pressure sa Presidential Security Team.

“Ang naging chain reaction ay hindi kailangang mangyari at labis na nakaapekto sa daloy ng programa. Isa rin itong masamang halimbawa na, kung hindi matutugunan, ay maaaring makasira sa disiplina sa media coverage ng Palasyo,” dagdag pa niya.

Noong oras na iyon, inihahatid na si Pangulong Marcos ni Interior Secretary Jonvic Remulla sa entablado para sa kanyang talumpati.

Nilinaw ni Ruiz na ang galaw ni Santos ay “hindi hinihingi, hindi awtorisado, at lumalabag sa mga panuntunang inilabas ng MARO,” na mahigpit na nagbabawal sa ambush interviews at hindi awtorisadong paglapit sa Pangulo.

Nagbigay rin si Ruiz ng update kay Mayrina na tiniyak ng NET 25 ang kanilang pagsunod sa mga panuntunan sa coverage ng Pangulo.

Aniya, “Nais ko ring ipabatid sa inyo na kami ay nakatanggap ng liham mula kay Paul Padua, News and Information Chief ng NET 25, kung saan muling tiniyak ng kanilang network na ‘sila ay susunod sa mga protocol at polisiya sa coverage’ sa Tacloban, Leyte sa darating na Hulyo 7.”

Isa itong positibong hakbang matapos ang insidente sa Tarlac, dagdag niya.

Sa isa pang insidente, binanggit din ni Ruiz na si Santos ay nagpakita ng hindi kanais-nais na asal sa briefing ni Usec. Claire Castro sa Philippine Information Agency noong Mayo 14, kung saan sumigaw ito ng “Bastos!” sa isang kawani ng PCO.

Bukod pa rito, binanggit ng PCO chief na sa tatlong magkakahiwalay na pagkakataon, nabigo si Santos na makasunod sa itinakdang deadline para sa media enlistment na nilalaman ng media advisories para sa tamang koordinasyon sa Presidential Security Command (PSC).

“Ilang ulit na kaming nagpaalala at direktang nakipag-ugnayan sa kanya upang sundin ang standard na proseso, ngunit patuloy niya itong nilalabag,” ayon sa liham.

Sa isa pang aktibidad ng Pangulo sa Philippine International Convention Center (PICC), dumating si Santos nang huli at dumiretso sa PSC upang irehistro ang kanyang sarili, na hindi alinsunod sa tamang proseso.

Upang bigyang-diin ang pamantayan sa pag-uugali ng mga mamamahayag, binanggit ni Ruiz ang ilang probisyon mula sa Journalists’ Code of Ethics:

“Gagamit lamang ako ng tapat at patas na pamamaraan sa pagkuha ng balita, larawan, at dokumento…” (Talata 3)

“Hindi ko aabusuhin ang aking kapwa mamamahayag.” (Talata 9)

“Tanging mga gawaing angkop sa dangal ng aking propesyon lamang ang aking tatanggapin…” (Talata 10)

“Ako’y kikilos nang may dignidad bilang isang propesyonal. Kung may alinlangan, ang kabutihang-asal ang dapat manaig.” (Talata 11)

Binigyang-diin din ni Ruiz na ang ibang miyembro ng MPC ay sumunod sa MARO advisory para sa coverage ng nasabing aktibidad.

Nilinaw niya na ang kahilingan para sa kapalit ni Santos ay hindi personal at hindi parusa.

“Nais kong ipunto: hindi ito tungkol sa pananahimik kay Ms. Santos o pagpaparusa sa kanyang network. Ito ay tungkol sa pananagutan sa paglabag sa protocol. Ang pagkakaroon ng credentials mula sa Malacañang ay isang pribilehiyo, hindi karapatan,” ani Ruiz.

Binigyang-diin pa ni Ruiz kay Mayrina na layunin ng PCO na mapanatili ang kaayusan at seguridad—hindi lamang para sa Pangulo at kanyang team kundi para rin sa mga mamamahayag.

“Hindi ito parusa, kundi proteksyon—para sa Pangulo, sa institusyon, at sa mga mamamahayag na katuwang sa pagbabalita,” dagdag ng liham. “Kami ay nananalig na mananatili ang paninindigan ng MPC sa pagpapanatili ng mataas na pamantayan sa ating kolektibong paglilingkod sa publiko.”