Calendar
Romualdez: Raids, epektibo; pagtugis sa hoarders at smuggler, pagtingin pa
HINIKAYAT ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang mga otoridad na higit pang paigtingin ang pagtugis sa mga hoarders at smuggler ng agricultural products sa bansa, partikular na ng bawang at sibuyas.
Sinabi ni Speaker Romualdez na epektibo ang ginagawang raid ng mga law enforcement agencies sa mga warehouse at container van na hinihinalang naglalaman ng mga smuggled na produkto.
Ayon sa mambabatas na mula sa Leyte, lumilitaw na itinatago lang ang mga “tusong negosyante” ang mga agricultural products para manipulahin ang presyo.
Sinabi pa ni Speaker Rumualdez, sa ngayon ay unti-unti ng bumababa ang presyo ng sibuyas, bawang at iba pang agri-products dahil lumalabas na sa merkado ang mga ito.
Ikinatuwa ni Speaker Romualdez ang mabilis na pagtugon ng mga law enforcement agencies sa kanyang kahilingan na i-raid ang warehouses na hinihinalang nagtatago ng mga sibuyas at bawang na nagpapahirap sa maraming Pilipino.
Muling binalaan ni Speaker Romualdez ang mga ‘evil hoarder’ na itigil na ang kanilang ginagawang pagpapahirap sa taumbayan na siyang dahilan ng pagtaas sa presyo ng mga bilihin.
“Kinausap natin ang ating law enforcement agencies para i-raid ang warehouses na hinihinalang nasa likod ng hoarding ng sibuyas at bawang. Ito ang nagpapahirap sa taong-bayan na dahilan ng inflation at pagtaas sa presyo ng mga bilihin,” ani Romualdez.
Kamakailan ay sinalakay ng mga tauhan ng Bureau of Custom (BoC) na pinamumunuan ni Commissioner Bienvenido Rubio ang 24 warehouse sa Maynila at Malabon at nakuha sa mga ito ang tinatayang P150 milyong halaga ng imported na bawang at sibuyas.
“I reiterate my warning to these evil hoarders and unscrupulous businessmen. We are breathing down your necks. Itigil na ninyo na ang inyong mga gawain na nagpapahirap sa ating mga kababayan,” ani Speaker Romualdez.
Nauna ng iginiit ni Speaker Romualdez ang kahalagahan na maproteksiyunan ang mga mamimili at ang mga magsasaka na binibiktima ng mga hoarder sa kanilang paglikha ng artificial shortage upang tumaas ang presyo at lumaki ang kanilang kita.