Martin Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez, Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Romualdez tiniyak suporta sa pro- mananakay programa ni PBBM

323 Views

PINURI ni Leyte 1st District Representative Ferdinand Martin G. Romualdez si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagpapatupad nito ng 50% na diskwento sa pamasahe para sa mga senior citizen at persons with disabilities (PWDs) na sumasakay sa LRT-1, LRT-2, at MRT-3.

Inilunsad ng Pangulo ang programa nitong Miyerkules sa MRT-3 Santolan-Annapolis station ilang linggo matapos na itaas sa 50% ang 20% student discount sa tatlong Metro Manila railways.

Iginiit ni Romualdez ang kahalagahan na matulungan ang mga mananakay sa araw-araw nilang gastusin.

“Alam natin ang hirap ng mga mananakay sa pagpasok at pag-uwi mula sa trabaho, paaralan, at bahay. Tungkulin naming sa gobyerno na padaliin at pababain ang gastos sa biyahe,” ayon kay Romualdez.

Dagdag pa niya, ang bagong fare discount ay patunay ng malasakit ng Pangulo sa mga mahihirap at nangangailangan.

“Dati, 20% lang ang diskwento para sa mga senior at PWDs. Ngayon, kalahati na lang ng pamasahe ang babayaran nila. Ito ay dahil sa malasakit ni Pangulong Marcos,” ani Romualdez.

Nagpasalamat din ang kongresista sa pagbabalik-operasyon ng mga Dalian train na matagal nang nakatengga. Inilunsad ito ni Pangulong Marcos bilang bahagi ng plano para pagandahin ang pampublikong transportasyon.

Sinabi ni Romualdez na handa siyang suportahan ang mga kinakallangang panukalang batas at pondo para mapanatili ang mga diskwento at mas mapaganda pa ang sistema ng pampublikong transportasyon.

“Sa pagbubukas ng ika-20 Kongreso, ipagpapatuloy natin ang pagsuporta sa mga benepisyo para sa commuters. Sisiguraduhin nating may sapat na pondo para dito,” ayon pa kay Romualdez.